BILANG pag-alala sa kanilang kabayanihan noong World War 2, isang wreath laying activity ang isinagawa ng Pamahalaang Lokal ng Guiguinto, Bulacan nitong Lunes sa bantayog ng limang bayaning Guiguintenyo na pinahirapan at pinatay ng mga sunadalong Hapon.
Pinangunahan ni Mayor Agatha Paula Cruz kasama ang ilang kasapi ng Sangguniang Bayan at Philippine National Police (PNP) ang pag-aalay ng bulaklak sa munumento ng tinaguriang mga bayani ng Guiguinto na sina Mariano Ventura, Protacio Pingol, Rosendo Principe, Mariano Centeno at Emilio Gutierrez.
Ayon kay Cruz, ang bantayog ay itinayo sa harap ng gusali ng Pamahalaang Bayan ng kaniyang ama na ngayo’y Kinatawan ng Ika-5 Distrito na si Congressman Boy Cruz upang magsilbing saksi at ala-ala ng kanilang kabayanihan kasama ang daang mga kasama nito na lumaban at nag-alay ng buhay para sa bayan.
Kuwento ng alkalde, madaling-araw noong Pebrero 20, 1944 nang bumaba sa kanilang bayan ang mga Hapon buhat sa Angat Garrison kung saan nadakip ang mga nabanggit na sugatang guerilla at sila ay pinahirapan upang ituro ang mga kasamahan nitong guerilla.
Sa pagmamatigas ay ibinitin patiwarik ang limang bayani sa puno ng mangga at dito sila ay pinagsasaksak ng bayoneta hanggang sa bawian ng buhay.
Dagdag pa ni Cruz, taon-taon nang isasagawa ang pag-aalay ng bulaklak sa nasabing dambana para bigyan halaga at pag-alala sa kagitingan at kabayanihan ng limang guerilla mula sa bayan ng Guiguinto na nagbuwis ng buhay sa ilalim ng kalupitan ng mga sundalong Hapon noong panahon ng ikalawang digmaan.
Samantala, kasunod ng isinagawang wreath laying activity ay inilunsad rin dito ang 3rd Sining, Impormasyon, Kabataan, Kasaysayan, Kalinangan At Turismo (SIKKKAT) “Kislap Photo Exhibit” na pinangasiwaan ng Municipal Tourism Officer Renato Villanueva.
Ayon kay Villanueva, ang SIKKKAT program sa taong ito ay nakatutok sa photo exhibit mula sa talento ng mga kawani ng munisipyo na may angking husay sa pagkuha ng mga litrato.
Ang tema ng mga isinumiteng larawan ay buhat sa mga kaganapan sa nagdaang Halamanan Festival na nilahukan mismo ni Villanueva kasama sina Shauang Bote, Andrew Bote, JV Pagtalunan at JM Pagtalunan.