Gov. Fernando suportado, inendorso si Abalos 

Nakakasiguro na si former Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng suporta mula sa mga Bulakenyo matapos iendorso ni Governor Daniel Fernando para sa kaniyang kandidatura bilang senador sa 2025 National and Local Elections.
Former DILG Secretary Benhur Abalos suportado ni Bulacan Gov. Daniel Fernando
Sa pagbisita ng dating kalihim sa lalawigan ng Bulacan sa Lungsod ng Malolos at sa bayan ng Calumpit ay nag-courtesy call din ito kay Fernando nang bumisita sa Official Residence ng gobernador sa Capitol Compound, City of Malolos nitong Martes.
Naniniwala si Fernando sa kapasidad ni Abalos bilang lingkod bayan kung magiging senador kung saan umaasa ang gobernador na malaki ang maitutulong nito sa kaunlaran ng lalawigan.
Isa sa pagtutuunan ng pansin ni Abalos ay ang suliranin sa dekada nang problema sa pagbaha sa probinsiya nang sa gayon ay makapanghikayat pa ng mas maraming investors sa lalawigan.
Pinayuhan ni Fernando si Abalos na mag-concentrate na lamang sa ibang lalawigan at bahala na ang gobernador sa pag-endorso sa kaniya sa mga Bulakenyo.
Tinatayang halos 3-milyon ang populasyon sa lalawigan ng Bulacan kung saan halos 65% porsiyento nito ang bumoboto.
Unang bumisita si Abalos sa bayan ng Calumpit na mainit na tinanggap at sinalubong ni Mayor Lem Faustino kasunod ang City of Malolos gayundin ay personal itong inendorso ni Mayor Christian Natividad sa mga barangay captains at leader sa lungsod.