Inihahanda na ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagtuklas ng mga bagong kikilalaning magagaling at mahuhusay na Bulakenyong atleta kasabay ng paglulunsad ng Bulacan University & Collegiate Athletic Association (BUCAA) sa ginanap na grand launching nito sa EDSA Shangri-la, Ortigas, Mandaluyong City nitong Huwebes, Marso 14, 2024.
Si Fernando, na siyang Chairman ng BUCAA kasama ang Provincial Youth and Sports Development Office (PYSDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay inorganisa ang BUCAA, ang bagong aabangan sports events sa Bulacan na may layuning paigtingin ang pagkakaisa ng mga unibersidad at kolehiyo sa lalawigan.
“Magtatagisan ang mga kalahok na Unibersidad at Colleges sa larangan ng basketball competition na sisimulan ngayong Abril 15, 2024 na gaganapin sa Bulacan Sports Complex sa Barangay Dakila, City of Malolos at pagkaraan ay palalawakin din natin ang BUCAA sa paglulunsad ng iba pang sports event gaya ng Volleyball, swimming, badmintom, table tennis, chess at iba pa,” wika ni Fernando.
Sinabi ng gobernador na ito ang makapagbigay ng mga oportunidad para sa mga kabataang Bulakenyo na nagnanais na mahasa at pataasin ang kasanayan at kahandaan sa larangan ng palakasan.
Ayon kay Fernando, binuo ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan magbigay suporta at gabayan ang mga atletang Bulakenyo sa kani-kanilang mga karera at upang makapaghubog ng susunod na henerasyon ng mga mas magagaling at mas mahuhusay na atleta at mapalakas ang pagkakaisa ng mga nasa larangan ng palakasan.
“Ang Bulacan ay kilalang ‘Home of the Champions’ gaya nila Lydia De Vega, Bobby Jose, Rodney Santos, Jonas Villanueva at hindi na mabilang ang mga nakamit na parangal mula sa mga atletang Bulakenyo kaya nais natin na mas palakasinat hasain sa murang edad ang potensyal sa sports ng ating mga kabataan,” anang gobernador.
Buong suporta rin dito si Vice Gov. Alexis Castro bilang Co-Chairman ng BUCAA na nagpaabot din ng pahayag at mensaheng pampalakas ng loob at inspirasyon sa mga atletang Bulakenyo na kung saan ay inaasahang magmumula sa BUCAA ang susunod na hahangaang manlalarong Pilipino.
Sinabi ni Atty. Nikki Coronel, OIC PYSDO head, ang pagkakatatag nito ay naglalayong kilalanin ang kahalagahan ng holistic youth development at pagyamanin ang sports advancement bilang suporta sa maraming mahuhusay na batang atleta sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, ang BUCAA ay binubuo ng 32 unibersidad at kolehiyo na siyang lalahok sa nasabing Basketball Tournament at 10 kolehiyo na lalahok naman sa Cheerdance Competition.