Nakatanggap ng ayuda at tulong pinansiyal mula sa Bulacan Provincial Government ang nasa 205 katao buhat sa 48 pamilya na inilikas kamakailan mula sa kanilang mga tahanan sanhi ng sumingaw na usok na hinihinalang methane gas sa Barangay Citrus, City of San Jose Del Monte sa Bulacan noong Biyernes, May 24, 2024.
Personal na pinangunahan nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro ang pamamahagi ng bigas, delata at cash assistance para sa mga pamilyang apektado ng sumingaw na methane gas na ginanap sa Citrus Covered Court.
Pinasalamatan naman ni Barangay Captain Larry Demo kasama ang mga brgy kagawad ang mabilis na pagtugon nina Fernando at Castro sa pangangailangan ng mga evacuees.
Ang pamamahagi ng relief ay pinangasiwaan ni Rowena Tiongson, head ng Bulacan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Kabilang sa mga tinanggap ng mga beneficiaries ng bawat pamilya mula sa kapitolyo ay 1 kaban bigas, delata at hygiene kit habang P10,000 cash naman mula sariling bulsa ni Gob Fernando.
Ayon kay Kapitan Demo, maaaring magtagal pa ng ilang araw ang mga inilikas na residente habang isinasagawa ang imbestigasyon at pagsusuri sa sumisingaw na usok.
Nabatid na noong Mayo 22 nang ilikas ang mga pamilya base na rin sa derektiba ni Mayor Arthur Robes para sa kaligtasan ng mga ito.
Ayon kay Kap. Demo, bago ilikas ang mga residente ay ilang araw nang napapansin ang usok na nanggagaling sa lupa kaya agad itong ipinabatid sa city government sa pangambang makaapekto ito ng masama sa kalusugan kung patuloy na malalanghap ang usok.
Mabilis din ang pagtugon ng CSJDM kabilang ang city engineering office, city health office, city SWDO at Bureau of Fire and Protection na agad nagsagawa ng pagsusuri sa lugar.
Nabatid na ang nabanggit na lugar na nasa 2,000 square meters ang lawak ay dati umanong local dumpsite na tinambakan katabi ng sementeryo bago tinayuan ng mga settlers.
Hinala rito ng mga residente ay posibleng sanhi ng sumisingaw na methane gas ay buhat sa tinabunang basura sa ilalim ng lupa noong 2005 pa, dalawampung-taon na ang nakakalipas.
Samantala, mahigpit ang derektiba ni Kap Demo na wala munang papayagan na residente na magpupumilit na bumalik sa kanilang mga tahanan hanggat hindi pa tiyak ang mga kaligtasan ng mga ito.