
LUNGSOD NG MALOLOS – Nag-isyu si Gobernador Daniel R. Fernando ng Executive Order No. 16-B, Series of 2025, na nagmamandato ng obligado at kumprehensibong pagsusuri sa lahat ng flood control initiatives sa lalawigan.
Pangunahing layunin ng Executive Order na patatagin ang pananagutan, paigtingin ang pangangasiwa, at pabutihin ang pagiging epektibo ng mga proyekto sa pagkontrol sa baha, bilang tugon sa matitinding isyu ng pagbaha sa kabila ng malaking pamumuhunan ng pamahalaan.
Inaatasan ng Executive Order No. 16-B ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineering Office at lahat ng mga kontraktor na kasangkot sa mga proyektong pang-flood control – kabilang ang mga isinasagawa, mga nakabinbin, o nakumpleto sa loob ng nakaraang dalawang taon – na pormal na magsumite ng kanilang mga ulat at mga kinakailangang dokumento. Bukod dito, kinakailangan ding dumalo ang lahat ng kinauukulang partido, kabilang na ang mga empleyado ng DPWH at mga kontraktor sa pulong kasama ang Punong Lalawigan.
Nakasaad din sa kautusan ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) na binubuo ng mga pangunahing opisyal ng lalawigan. Ang grupo ay naatasang tipunin at suriin ang lahat ng ng mga nasumiteng dokumento, magsagawa ng inspeksyon sa mga lugar upang tiyaking nasusunod ang mga proyekto sa aprubadong plano, tukuyin ang mga proyektong hindi pa tapos o may mababang kalidad ng pagkakagawa, makipag-ugnayan sa mga kinauukulang nasyunal na ahensiya, at bumuo ng kumpleto at makatotohanang ulat hinggil sa kalagayan ng lahat ng flood control projects sa lalawigan.
Binigyang-diin ni Fernando ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagsubaybay sa mga proyekto upang matiyak na ang pondo ng bayan ay magreresulta sa epektibong proyektong tutugon sa pagbaha para sa mga mamamayan.
“Kinakailangan nating palakasin ang pagbabantay at tiyakin na ang bawat proyekto ay ginagawa nang tama at may malinaw na resulta. Hindi sapat ang papeles at plano, kailangang makita ng tao ang tunay na pagbabago dahil ang pondo ay para sa mamamayan. Dapat masigurong napapakinabangan ito ng taong bayan at hindi nasasayang,” ani Fernando.
Pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Executive Order na ito, ang pangakong protektahan ang pondo ng bayan at tiyaking ang mga proyekto ay maghahatid ng wastong benepisyo para sa kaligtasan at kapakanan ng mga Bulakenyo.





