PAGKARAAN ng halos dalawang taon, magbabalik muli ang mga taga-Barangay Ginebra fans at pipila na naman sa mga ticket booth ng Smart Araneta Coliseum para mapanood ng live ang kanilang ini-idolong Ginebra San Miguel players matapos simulan muli nitong nakaraang Miyerkules ang maiinit na laban buhat sa mga koponan ng Philippine Basketball Association (PBA).
Magkikitang muli ang mga players at mga fans ng bawat koponan sa makasaysayang Big Dome sa pagpapatuloy ng 2021 PBA Governors’ Cup kung saan maghaharap sa Biyernes (Disyembre 17, 2021) ang koponan ng Barangay Ginebra San Miguel kontra Northport Batang Pier sa main game sa ganap na alas-6:00 ng gabi.
Magugunita na huling nakapanood ang mga fans ng PBA game live noong March 8, 2020 sa opener ng 45th season sa pagitan ng noo’y defending Philippine Cup champion San Miguel Beer and Magnolia Hotshots bago ipatigil ang liga dahil sa COVID-19 pandemic.
Malugod namang tinanggap at sinalubong ni Commissioner Willie Marcial ang mga fans sa pagsisimula ng laro sa Araneta nitong nakaraang Miyerkules.
“Finally, sa tulung-tulong ng PBA family nagawa din natin after two years na magkaroon ulit ng live fans ,” ani Marcial. “Super excited ako at super saya ako sa nangyaring ito.”
Pero paalala ni Marcial, mahigpit pa ring ipatutupad ang mga standard health and safety protocols at standard social distancing.
“Kailangan pa ring alagaan natin ang sarili natin,” wika ni commissioner, dahil maaaring masayang at mabalewalang lahat ang effort ng liga kung muling tataas ang kaso ng COVID cases.
“Kaya hindi lang para sa amin ito, pero para rin sa kanila.”
Bago ang laro ng Ginebra VS Northport ay maghaharap sa ganap na alas-3:00 ng hapon ang koponan ng TNT Tropang Giga kontra Alaska Aces.