Madalas kong nababasa, napapanood, at nakikita ang umiigting na galit ng marami sa ating bansa at maging sa buong daigdig. Sa depinisyon ng American Psychological Association, ang galit (anger) ay isang emosyon na kakikitaan ng antagonismo sa tao o sinuman na sa tingin mo ay ginawan ka ng masama.
Makikita ang galit sa sigawan ng magkakapitbahay, sa road rage, sa maaanghang na sagutan sa social media, na mga halimbawang micro, hanggang sa halimbawang macro, tulad ng banggaan ng mga bansa, sa sigalot at digmaan. Mula sa maliit hanggang sa malaki, ang galit ay nangingibabaw.
Minsan, mahalaga rin naman ang galit. Halimbawa’y nakaranas ka ng kasamaan o kawalang-katarungan. Madalas na nagagalit ang tao kung hindi nya magawa ang kanyang mga gusto, o kaya’y may tunggalian ng interes; subalit kapag ang galit ay sumobra, doon na ito nagiging problema.
Maraming pananaw tungkol sa galit. Sa paliwanag ni Sadhguru, isang mistikong gurong Indian, ang galit ay isang emosyon na hindi makokontrol. Halimbawa, galit ka ba sa oras na ito? Kung hindi ka galit, paano mo kokontrolin ang isang bagay na hindi naman umiiral? Anya, sa tuwing ikaw ay nagagalit, mas napeperwisyo ang iyong sarili kaysa sa taong sinabugan mo ng galit.
Sa Budhismo, isa ang galit sa itinuturing na pinakamasamang emosyon, na nagpapalabo sa pag-iisip, at sa isang iglap ay maari kang makagawa ng hindi maganda, tulad ng krimen, na maaari mong pagsisihan ng habambuhay.
May isang kwento naman tungkol kay Buddha kung saan sa pagdaan nya sa isang lugar ay nakarinig sya ng mga insulto mula sa isang tao. Ngunit hindi nagalit si Buddha sa mga insulto. Nagtaka ang lalaki at tinanong siya kung bakit hindi sya naapektuhan.
Sinagot sya ni Buddha sa pamamagitan ng isang tanong, “Kapag binigyan ka ba ng regalo ng isang tao at hindi mo tinanggap, kanino mapupunta ang regalo?” “Sa nagbigay,” sagot ng lalaki. “Gayundin, ang mga insulto mula sa iyo na hindi ko tinanggap ay babalik lamang sa nagbigay nito,” ang tugon ni Buddha.
Ang mga araling ito ay sinesegundahan ng agham. Sa medisina, sinasabi ng mga pag-aaral na ang galit ay isa sa mga salik sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Kung mayroon kang ganitong karamdaman, isa sa pinakamagandang magagawa mo ay tanggalin ang ganitong emosyon. Mas makakaapekto ito sa yo kaysa sa taong kinagagalitan mo. Kung lagi kang nagagalit sa isang tao, patawarin mo na lamang sya at iwasan, kung maaari.
Sa pananaliksik naman ng Harvard, sa tuwing ikaw ay nagagalit, naa-activate nito ang bahagi ng utak na tinatawag na amygdala, na konektado sa mga emosyong tulad ng takot at nerbyos. Ang amygdala ay itinuturing na bahagi ng ating primitive brain, kung kaya’t minsan ay nawawala ang ating lohika at rason kapag tayo ay galit.
Nag-uugat ito sa primitibong pagnanais na mabuhay o survival instinct, kaya’t kapag tayo ay galit, para bang inaaway natin ang kalaban sa kagustuhan nating manaig ang sa sikolohiya ay ang tinatawag na ego.
Ito rin ang dahilan kaya napakahirap pigilan ang galit. Maaaring gawin ang iba’t ibang mga suhestyon, subalit isa siguro sa pinakamabisa ay ang mindfulness at self-awareness. Kapag galit ka at alam mo na galit ka, ang self-awareness ay maigigiya mo tungo sa self-regulation, kung saan maaari mong makontrol ang iyong galit ng pakonti-konti. Mahalaga na kapag galit ka ay may kamalayan ka dito, upang hindi ka madala ng galit sa iba’t-ibang direksyon.
Paalala lamang, ang artikulo na ito ay hindi payong medikal kundi isang paglalahad lamang ng mga pananaw ukol sa penomenon na tinatawag na galit o anger. Kung ikaw ay may suliranin ukol sa sobrang galit o isyu sa anger management, pinakamaganda ang kumonsulta sa mga sikologo.
Pero syempre, makakatulong talaga kung relax lang ang pananaw mo sa buhay, at kahit na anong mangyari ay kalma ka lang.
Nawa’y maghari ang kahinahunan sa iyong buhay. Namaste!