LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot na sa 1,883,981 ang kabuuang bilang ng mga nakakumpleto ng bakuna kontra COVID-19 sa Bulacan.
Ito ay katumbas ng 72.5 porsyento ng 70 porsyentong coverage ng eligible population na 2,596,146.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, nasa 1,947,467 ang nakatanggap ng unang dosis pa lamang habang 192,369 na ang naturukan ng booster shot.
Aniya, maraming Bulakenyo ang nahihikayat na magpabakuna bunga ng pinalakas na kampanya ng pamahalaan sa benepisyo nito.
Kaugnay nito, nanawagan si Fernando sa mga di pa nabakunahan na magpaturok na upang matapos na ang pandemya.
Sa kabuuan tumanggap ang lalawigan ng 4,586,231 dosis ng bakuna mula sa pamahalaang nasyunal.
Sa bilang na ito, 1,634,776 ang Sinovac, 547,372 ang Astrazeneca, 1,564,395 ang Pfizer, 163,200 ang Janssen, 592,208 ang Moderna, at 84,280 ang Sinopharm.