LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan —Kasama si Vice Gov. Alex Castro katuwang ang mga pinagsanib na pwersa ng First Scout Ranger Regiment (FSRR), 70-Infantry Battalion ng Philippine Army (PA) at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan sa pagsagip sa mga Bulakenyong inabot ng mataas na tubig-baha dulot ng Bagyong Carina na pinalakas ng Hanging Habagat sa bayan ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan, Huwebes ng umaga.
Ito ay naaayon sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando na iprayoridad ang mga taga Marilao at Meycauayan partikular na ang mga nasa ibabaw na ng kanilang mga bubong. Umabot na hanggang sa leeg ng tao at lagpas sa kisame ang taas ng baha rito kaya’t bubong na lamang ng bahay ang nakalitaw.
Si Gov. Fernando naman ay nakababad sa PDRRMO-Command Center upang i-monitor ang mga kaganapan sa buong probinsiya partikular na sa mga lubhang naapektuhan ng pagbaha gayundin sa lagay ng Angat, Ipo at Bustos Dam.
Inatasan na rin ng gobernador si Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para asikasuhin ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga nasalanta ng bagyong Carina.
Tinipon din ni Fernando ang kaniyang mga head department para sa isang emergency meeting kaugnay ng pagdedeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Bulacan.
Sa Barangay Bayugo sa Meycauayan ay personal na tinungo ni Vice Gov. Castro ang mga residente rito upang sagipin kabilang ang mga bata at senior citizen na nalubog ang mga kabahayan sa mahigit 5 talampakan.
Ayon kay Staff Sgt. John Maxelle Lamano, team leader ng FSRR- team 2 sa misyong ito, may 21 tropa ang ipinadala ng FSRR upang lumahok sa pool ng mga rescuers ng PDRRMO.
Dalawang teams ito na gagamit ng tig-iisang 6×6 trucks na may lulan na kumpletong kagamitang pangsagip ng tao na nasa ibabaw ng bubong, rumaragasang tubig o anumang sitwasyon na maglalagay sa buhay ng isang indibidwal sa alanganin.
Partikular na tinungo ng mga tropa ang Northville relocation site sa Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan na nakaranas ng ganito kataas ng tubig baha na umabot bubong ng isang palapag na bahay.
Ipinaliwanag ni Malou Tapican, officer-in-charge ng PDRRMO-Bulacan, na ito ang unang naitala ng PDRRMO na pinakamalalang naapektuhan ng Bagyong Carina sa lalawigan.
Dahil sa patuloy na maghapon at magdamagang walang humpay na pag-ulan simula noong Lunes, Hulyo 22, umapaw ang Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMROS) na malapit sa Northville relocation site.
Ang 70-1B ng Philippine Army ay idinestino sa Marilao habang sa Meycauayan naman nagsasagip ang FSRR.
Kaugnay nito, ayon sa huiling ulat ng PDRRMO, aabot na sa 566 mga pamilya na katumbas ng nasa 2,067 na mga indibidwal ang naililikas na sa 34 evacuation center sa lalawigan. Sa loob ng mga bilang na ito, nasa 111 pamilya o 352 na mga indibidwal ang nailikas na sa Meycauayan. Habang 67 pamilya o 316 na mga indibidwal ang nasasagip na sa Marilao.
Samantala, parating na sa Meycauayan ang isang libong family food packs, isang libong bottled water, 500 sleeping kits, 500 family kits at 500 na mga hygiene kits partikular para sa lungsod ng Meycauayan.
Iba pa ito sa food packs na kasalukuyang ibinabalot ng PSWDO. Tiniyak ng gobernador na prayoridad na makakuha nito ang mga nasa evacuation areas at mga labis na nalubog ang malaking bahagi ng kani-kanilang mga tahanan.