
Ang Pamahalaang Bayan ng Pandi, sa pangunguna ni Mayor Rico Roque, ay nakipagtulungan sa Baliuag University para mag-alok ng free law study para sa mga empleyado nito.
Isang Memorandum of Agreement ang pormal na nilagdaan noong Agosto 11, 2025 sa pagitan ng Baliuag University at ng Pandi LGU, sa pangunguna ni Roque, kasama si Dean Atty. Buko Dela Cruz at Dr. Patricia B. Lagunda, Presidente ng Baliuag University, na magbigay ng libreng pag-aaral ng abogasiya para sa lahat ng empleyado sa lokal na pamahalaan ng Pandi.
Ang programa, na sumasaklaw sa Juris Doctor (JD) program, ay naglalayong pahusayin ang kaalaman at kakayahan ng mga empleyado sa pagbibigay ng mga serbisyong pampubliko.
Ayon kay Roque, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na makapag-aral ng abogasya nang walang hadlang sa pananalapi, upang makapaglingkod nang mas mahusay at may kakayahan sa bawat mamamayan ng Pandi.
“Sa ganitong uri ng programa, ito ay magpapalakas ng kanilang kumpiyansa at magiging inspirasyon sa kanila na maglingkod nang mas mabuti sa komunidad,” ani Roque.
Para naman kay Engracia Mauricio, isang empleyado ng munisipyo, nagpahayag ng pasasalamat sa inisyatiba na pinangunahan ni Roque na may mga ganitong programa para sa mga empleyado ng LGU na tulad niya.
Sasagutin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin, kabilang ang tuition fee, miscellaneous, at allowance.