Kung mabibigyan ng pagkakataon si pambansang kamao at presidential aspirant Senator Manny Pacquiao na manungkulan bilang presidente ay hahakutin umano nito sa Pilipinas ang mga kaibigang banyagang bilyonaryo bilang mga investors.
Ito ang naging pahayag ni world champ boxing icon sa kaniyang pagbisita buong maghapon sa Bulacan kung saan pinulong niya ang mga religious sector sa lalawigan at nag-courtesy call sa matataas na opisyales dito.
Unang pinuntahan at dinalaw ni Pacquiao ay ang Official Residence ni Governor Daniel Fernando bandang alas-8:30 ng umaga upang mag-courtesy call sa top official ng Bulacan kung saan naging maiinit ang pagtanggap sa kaniya ng mga Bulakenyo.
Sinabi ng senador kay Fernando kaharap ang mga local media na isa sa kaniyang plataporma ay ang paghakot ng mga foreign investors mula sa ibat-ibang bansa na kaniyang naging kaibigan sa pamamagitan ng kaniyang pagiging world champion sa kaniyang boxing career.
Pagtutuunan din ng pansin ni Pacman ang mga magsasaka sa lalawigan.Trabaho hanapbuhay at libreng pabahay sa mga Bulakenyo at pagpapalakas sa mga microsmall and medium enterprises kung papalaring maging pangulo sa darating na 2022 elections.
“Ang mga magsasaka ay hindi dapat pabayaan, malaki ang utang na loob ng sambayanang Pilipino sa kanila kaya dapat silang suportahan. Ipapa-abolish natin ang Rice Tarrification Law kung iyan ay pasakit at pahirap lamang sa mga magsasaka,” wika ni Pacquiao.
Nais ng senador ang masaganang bansa kaya kailangang pangalagaan at paunlarin upang hindi umano maging pangit ang imahe ng Pilipinas at hindi kahiyahiyang makipagsabayan sa ibang mga bansa.
“Bigyan niyo po ako ng pagkakataon para makita nila kung sino yun taong minamaliit nila hindi gaya ng iba diyan.. Hindi na nakasentro sa paglilingkod at serbisyo.. puro sila sakim sa kapangyarihan,” wika ng senador.
Nakipag-courtesy meeting rin at dinalaw ni Pacquiao sa bayan ng Bocaue si CIBAC Party-List representative Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva, president-founder ng Jesus Is Lord Church at sa Bocaue Team Solid sa pangunguna ng nagbabalik mayoral candidate former mayor JonJon Villanueva at si former CIBAC Congressman Sherwin Tugna na kandidato naman para bise-alkalde.
Pagkaraan ay tinungo naman ng senador ang Jesus Christ The Deliverer Chiurch sa bayan ng Guiguinto at nakipagpulong sa 400 mga pastor sa pangunguna ni Bishop Ted Malangin at dito ay pinag-pray over ang kandidatura ni Pacman.
Sumunod na pinuntahan ni Pacquiao ay ang kaniyang courtesy meeting sa mag-asawang Congressman Henry Villarica ng 4th District at Meycauayan Mayor Lynabelle Villarica sa tahanan nito sa Lungsod ng Meycauayan.
Ilan sa mga nauna nang mga presidentiables sa darating na 2022 elections na nakipag-courtesy call kay Fernando ay sina Senador Ping Lacson kasama ang kaniyang vice president aspirant Senador Tito Sotto at dating Senador Bong Bong Marcos habang dumaan din sa Bulacan ang caravan ni VP Leni Robredo.