LUNGSOD NG MALOLOS – Susuporta sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro ng Bulacan sa mga programang pang-kaunlaran sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kung saan malugod na tinanggap ang mga delegado nito sa ginanap na Benchmarking Activity sa lalawigan kamakailan.
Binigyan-diin ni Fernando ang kahalagahan ng kolaborasyon at pagbabahagigan ng best practices sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at ipinangako niyang patuloy na aagapay sa lalawigan ng Quezon.
Sa kanyang mensahe na ipinaabot ng kanyang Chief of Staff na si Abgd. Nikki Manuel S. Coronel, sinabi ni Fernando na ang pag-aaral mula sa mga makabagong inobasyon ng ibang lalawigan ay isa sa mga mabisang paraan upang umunlad at higit na palakasin ang magandang ugnayan.
“Katulad ng aming lalawigan, ang Quezon ang pinakamalaking probinsya sa rehiyon ng Calabarzon na mayaman sa biyaya at agrikultura. Kaya naman, magandang pagkakataon ito hindi lamang para sa inyo, kundi higit sa ating lahat, na matuto ng mga makabago at epektibong pamamaraan ng serbisyo publiko sa kapakinabangan ng mga minamahal natin mamamayan,” ani Fernando.
Binubuo ang delegasyon mula sa Lalawigan ng Quezon nina Inh. Russell C. Narte EnP – Provincial Planning and Development Coordinator, Inh. Marichelle Ferrer – Acting Provincial Engineer, Emmanuel S. Queruk – Project Development Officer II/Designated LEDIPO, at Noel Q. Mapaye – Project Evaluation Officer II, at isa sa kanilang layunin ay pag-aralan ang Bulk Water Supply.
Iprinisinta ni Arlene G. Pascual, pinuno ng Provincial Planning and Development Office, sa mga delegado ang Bulacan Profile at ang Bulacan Bulk Water Supply Project na layuning magbigay ng ligtas, abot-kaya, at maiinom na tubig sa Bulacan habang binabawasan ang pagdepende sa groundwater.
Kabilang sa mga detalye ng proyekto ang tinatayang halaga na PhP24.41 bilyon, kontrata na hanggang 30 taon (kasama ang konstruksyon), at solicited BOT procurement mode at contractual scheme.
Ito ay binubuo ng water source, aqueduct interconnection, intake at lift station para sa raw waterabstraction, water treatment plant, conveyance facilities, interconnection sa mga water district, infrastructure para sa river crossings, booster pump stations, security fencing, at access roads.
Pagkatapos ng briefing, nilibot ng mga delegado ang PPDO, PA’s Office, Bulacan Pasalubong Center, PGB Museum, at PEO.
Kasama ring sumalubong sa mga delegado sina Abgd. Jayric L. Amil, pinuno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office at Inh. Glenn D. Reyes, pinuno ng Provincial Engineer’s Office.