LUNGSOD NG MALOLOS – Kaisa si Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) sa layunin nitong palakasin ang kampanya laban sa krimen sa lalawigan.
Sa idinaos na programa para sa activation ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) sa bakuran ng Camp General Alejo S. Santos sa lungsod na ito kamakailan, binati ni Fernando ang BPPO sa pangunguna ni OIC PCol. Relly B. Arnedo.
Anang gobernador, mapapagbuti ng nasabing programa ang abilidad ng kapulisan sa agaran at mabilisang taktikal na paraan sa pagresponde sa mga krimen sa lansangan habang ginugupo ang kakayahan ng mga motorcycle-riding offenders.
“Ito po ang pinakamabilis na paraan para labanan ang kriminalidad at makamit ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Sa pamamagitan nito, hindi na madaling makatatakas ang riding in tandem dahil siguradong hahabulin sila ng puwersa ng kapulisan”, ani Fernando.
Sinabi rin niya na may paparating na dalawang behikulo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, isang van at isang SUV.