LUNGSOD NG MALOLOS- Pinag-iingat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo laban sa Leptospirosis matapos makapagtala ang lalawigan ng limang namatay na may kinalaman sa Leptospirosis.
Dalawa sa limang nasawi ay nagmula sa Lungsod ng San Jose del Monte, ang isa naman mula sa mga bayan ng Balagtas, Calumpit, at Obando.
Dagdag pa rito, ayon sa advisory ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH), mula Enero 1 hanggang Agosto 10 ng taong ito, 58 na hinihinalang kaso ng Leptospirosis ang naiulat sa buong lalawigan.
Bagaman at 3% na mababa ang mga kaso kumpara sa tala sa parehong panahon noong nakaraang taon, pinaalalahanan pa rin ng gobernador ang mga Bulakenyo na maging mas maingat lalo na ngayon na lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan ay naapektuhan ng pagbaha na dulot ng Bagyong Carina na pinalakas ng hanging habagat.
“Dahil sa naranasan nating hagupit ng bagyo kamakailan, batid po ng inyong lingkod na karamihan sa atin ay hindi maiwasang lumusong sa baha. Ang atin na lamang po sanang hiling ay linisin po natin nang mabuti ang ating katawan matapos lumusong, at gayundin ang ating kapaligiran kung humupa na ang baha. Sa ganitong paraan ay maiiwasan natin na pamahayan ito ng daga na isa sa pinagmumulan ng sakit na ito,” payo ng gobernador.
Samantala, nakapagpamahagi ang PHO-PH ng kabuuang 57,000 capsule o 570 boxes ng Doxycycline sa mga lungsod, bayan, at pampublikong ospital bilang prebensiyon sa Leptospirosis.
Kabilang sa mga sintomas ng Leptospirosis ang lagnat, pananakit ng katawan at ulo, pananakit ng binti, pamumula ng mata, at sa malalang kaso, maaaring madilaw, umitim, at kumaunti ang dami ng ihi.