Sa isang follow-up meeting kasama ang sektor ng pagmimina na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center Huwebes ng umaga, inihayag ni Gob. Daniel R. Fernando na pansamantalang ipagpapaliban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagpapatupad sa Executive Order No. 21-2022 sa Oktubre 26, 2022 na nagsususpindi sa pagmimina at pag-quarry sa lalawigan.
Aniya, maaari nang magpatuloy ang mga nasa sektor ng pagmimina sa mga quarrying operation alinsunod sa mga alituntunin na ibinigay ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kung saan ang mga aplikante at existing holders ng special, quarry, at iba pang katulad na permit ay binigyan ng bago at modified na mga alituntunin patungkol sa environmental sustainability ng kanilang mga operasyon kabilang na ang haulers, blasting companies, processing plants, cement companies at bentonite operators.
Ginagawa na rin ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa hinggil sa overloading at quarrying, dagdag pa ng gobernador.
“Temporarily, I will resume the lifting of temporary suspension by October 26. Ibig sabihin, kaya ko sinabing temporary, hindi ko bibigyan ng tuldok na regular or permanent because ginagawa pa ng Sangguniang Panlalawigan ngayon ang ordinance ng overloading at pati ‘yung sa illegal quarrying. Iyon ang hihintayin natin at magre-resume tayo sa pagiging regular at permanent,” ani Fernando.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng pinuno ng BENRO na si Abgd. Julius Victor Degala na umaasa siyang magkaroon ng win-win situation para sa Pamahalaang Panlalawigan at mga miyembro ng sektor ng pagmimina.
“Panalangin ko pong maging madiplomasiya ang pagpupulong na ito upang sa ganon ay makahanap tayo ng win-win solution; na panatag ang loob ng Pamahalaang Panlalawigan na hindi tuluyang mawawasak ang inang kalikasan; pumasok ang kita sa kaban ng bayan at ang sektor ng pagmimina ay makakapag-hanapbuhay ng matiwasay dahil legal at dokumentado ang lahat ng ginagawa. Sa sektor ng pagmimina, hindi po tayo magkaaway; tayo po ay magka-partner,” ani Degala.
Bukod dito, iginiit ni Fernando na kapag nakahuli sila ng isa hanggang tatlong indibidwal o mga kumpanya na hindi sumusunod sa mga tuntunin at regulasyon, muling ipatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ang quarrying ban na tiyak na makaaapekto sa mga nasa sektor ng pagmimina.
Mahigpit din niyang pinaalalahanan ang mga ito na huwag suhulan ang sinuman kabilang na siya at ang mga watchman para makamit ang layunin ng pagpapatupad ng E.O. 21-2022.
“Ito po ang tatandaan ninyo; kapag ni-lift ko ito (EO.21-2022), huwag kayong maglalagay at magbibigay ng kotong kahit na kanino na nanghihingi sa inyo. Kapag nalaman ko ‘yan, pati ikaw na nagbigay ay apektado. Gusto ko na kumita kayo ng husto, huwag kayong magbibigay, kahit iyong mga watchman, isumbong ninyo sa akin. Ang mahalaga, be a responsible miner, be responsible to our environment. Please do not tolerate them. Kasi hindi po tayo maaayos kapag ganyan at ipinagpatuloy ang ganito,” pakiusap ng People’s Governor.