Fernando, nanawagan kay PBBM na repasuhin ang memorandum sa paputok, pyrotechnic devices

LUNGSOD NG MALOLOS- Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando ng Lalawigan ng Bulacan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na repasuhin ang Memorandum Order No. 31, series of 2018 na nagsuspinde sa pagproseso ng mga bagong lisensya at permit para sa paggawa, pagbebenta, at distribusyon ng mga paputok at pailaw.

Gov. Daniel R. Fernando

“Nakikiusap po tayo sa ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na sana sa pamamagitan niya, sa kanyang administrasyon, ay matapos na ang review ng Memorandum 31 na ito at nang matulungan natin ang ating mga mamamayang Bulakenyo na makapag-hanapbuhay kasi naniniwala po tayo na ang ating Micro and Medium Enterprises ang magtataas sa kalidad ng ating ekonomiya,” anang gobernador sa ginanap na Joint Pyrotechnics Regulatory Board (PRB) and Philippine National Police (PNP) Fireworks Stalls Inspection and Media Briefing sa Santiago Compound, Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan noong Miyerkules.

Idiniin din ng gobernador ang layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na suportahan ang industriya ng paputok at pailaw habang pinanatili ang kaligtasan ng publiko kaya nilinaw niya ang terminong “Ingat Paputok” hindi “Iwas Paputok.

Kaugnay nito, inilabas ni Fernando ang Executive Order No. 40, series of 2024 na sumusuporta sa pagpapatupad ng kampanyang “Oplan Ingat Paputok” na magsusulong sa kaligtasan ng publiko at mangangasiwa sa industriya ng pailaw sa Lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa EO, ipatutupad ng Oplan Ingat Paputok ang proactive at unified approach, sisiguruhin ang pagsunod sa nasyunal na batas at panuntunan, at gagawa ng mga kampanya para sa kabatiran at kaalaman ng publiko.

Samantala, siniguro ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco D. Marbil sa publiko na titiyakin nila na lahat ng paputok at pailaw na ginagawa at ibinebenta ay sumusunod sa batas; po-protektahan nila ang industriya; at nangangako ng isang ligtas na pagdiriwang ng bagong taon.

“Ang ginagawa ng pulis, hindi lamang po sa daan nag-iinspeksyon, they also inspect doon sa online. Ang Anti-Cybercrime Group po natin, hinahanap po nila ‘yung mga iligal na nagbebenta ng mga paputok online,” ani Marbil.

Pinag-iingat naman ni Civil Security Group Director PMGen. Leo M. Francisco ang publiko sa pagbili ng mga pailaw at paputok online dahil ipinagbabawal ito.