LUNGSOD NG MALOLOS – Upang matiyak ang mas pinabuting access ng mga Bulakenyo sa mga emergency medical service, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando ang ceremonial turnover ng 10 ambulansya sa iba’t ibang district hospitals at health offices sa lalawigan na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito noong Martes.
Kabilang sa mga tumanggap ng mga bagong ambulansya na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay ang Bulacan Medical Center, Baliuag District Hospital, Emilio G. Perez Memorial District Hospital sa Bayan ng Hagonoy, Gregorio del Pilar District Hospital sa Bulakan, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria, San Miguel District Hospital; Pandi District Hospital, Provincial Health Office-Public Health; habang ang Felix T. Reyes Memorial Hospital sa Brgy. Pamarawan, Lungsod ng Malolos at Calumpit District Hospital naman ay tinanggap ang tig-isang refurbished ambulances na ipinagkaloob kamakailan ng mga delegado mula sa Gyeonggi Province, South Korea.
Tiniyak naman ni Fernando sa publiko na ipagpapatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagsisikap sa pag-upgrade ng mga pasilidad ng ospital at kagamitang medikal upang matugunan ang pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan ng lalawigan.
“Ang pagkakaloob ng mga bagong ambulansya sa ating mga district hospital ay bahagi ng ating walang humpay na pagsusumikap na tiyakin ang mabilis at maayos na paghatid ng serbisyong medikal, lalo na sa oras ng mga emergency. Sana po ay pag-ingatan natin ang mga ito,” anang gobernador.
Natapos ang gawain sa isang seremonyal na pagbabasbas ng mga ambulansya na hudyat ng kahandaan ng mga sasakyang magsilbi sa mga Bulakenyo.