LUNGSOD NG MALOLOS –Nagbigay ng direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando, tagapangulo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), sa isang online emergency meeting kasama ang mga DRRMOs ng mga lungsod/munisipalidad, mga pinuno ng tanggapan at iba pang kinauukulang ahensya kaninang tanghali habang pinangangasiwaan ang lalawigan bago mag-landfall ang Super Typhoon ‘Karding’.
Ayon sa tala kaninang 2:00 N.H., Setyembre 25, 2022, ang silangan at gitnang bahagi ng Bulacan ay nasa ilalim ng tropical cyclone signal no. 5 kabilang na ang mga bayan ng Doña Remedios Trinidad at Norzagaray, habang signal no. 4 naman ang nalalabing bahagi ng lalawigan.
Sa kanyang mga direktiba, ipinag-utos ni Fernando ang pagsuspinde ng mga klase sa parehong pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas at pagsuspinde ng trabaho sa mga ahensya ng gobyerno na hindi pangkalusugan at hindi DRRM para masiguro ang kaligtasan ng mga Bulakenyo.
“Ihahanda po natin ang executive order regarding sa suspension of classes tomorrow. Maghanda na rin ng pagsususpindi sa ating mga tanggapan at mga munisipyo; ‘yung mga private companies, depende po sa kanila ‘yan pero pag nakita natin na ang sitwasyon ay malala, kasama na rin sila sa suspension,” anunsiyo ng gobernador.
Nanawagan din siya sa mga city/municipal disaster offices na ilikas ang mga residente sa mabababang lugar at siguraduhing nakahanda ang mga rescue team sa panahon ng pangangailangan.
“Tinawagan na natin kanina ang ating engineering office na ihanda lahat ang ating drivers, ang mga rescue truck na ating gagamitin sa paglilikas. Doon po sa mababang lugar like Hagonoy, Calumpit, Malolos, sa mga lugar na binabaha, inaatasan po natin ang ating mga munisipyo at city disaster offices na maghanda na agad at gawin na natin ang mga dapat ihanda. Mas maganda po ‘yung preventive. We need to protect our kapwa Bulakenyos most especially doon sa lugar na binabaha,” ani Fernando.
Inatasan din niya si Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena J. Tiongson na pakilusin ang Evacuation Center Management Team at ihanda ang mga evacuation center kabilang ang mga pangunahing pangangailangan at pagkain sa Bulacan Capitol Gymnasium at Bulacan Sports Complex pati ang mga evacuation center sa bawat komunidad.
Pinaalalahanan din ng PDRRMC Chairman si Provincial Agriculture Head Gloria Carrillo na bigyang babala ang mga magsasaka at mangingisda upang magawa nila ang lahat ng kinakailangang paghahanda bago bumagsak sa lupa ang Super TY Karding, lalo na at mayroong 40,000 ektaryang palayan na may tanim at 1,000 ektarya ng gulayan sa kasalukuyan at 15,000 ektarya ng palaisdaan.
“Sabihan na ‘yung mga mangingisda na palakasin ang mga bakod nila doon. Ang laki din po pala ng may mga tanim natin ngayon kaya sana ‘wag itong mawawala dahil malaki-laki po ang mawawala sa ating mga magsasaka. Tignan mabuti kung ano pa ang mga paghahandang magagawa,” bilin ni Fernando.
Pinapaalalahanan din ang mga Bulakenyo sa mga posibleng panganib na maaaring maganap dulot ng pagpapakawala ng tubig ng dam na makaaapekto sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Hagonoy at Paombong; back flooding sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong at Pulilan; flash flood sa mga bayan ng Santa Maria, Bocaue, Marilao, Obando, Bulakan, Balagtas, San Miguel, San Ildefonso at mga Lungsod ng San Jose Del Monte at Meycauayan; storm surge sa mga bayan ng Bulakan, Hagonoy, Obando, Paombong at Lungsod ng Malolos.
Ayon kay PDRRMO Head Felicisima Mungcal, ang super typhoon ay matatagpuan sa 175 km Silangan ng Infanta, Quezon (15.0°N, 123.3°E) na may 195 km/h maximum sustained winds malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 km/h at central pressure na 920 hPa na nagdulot upang maging high risk ang lalawigan sa ilalim ng emergency preparedness at response protocol na ‘Charlie’ na nangangailangan ng agarang mga aksyon.