LUNGSOD NG MALOLOS – Ikintil ang positibong pagka-makabayan at itaguyod ang dignidad ng mga Bulakenyo, ito ang nais ni Gobernador Daniel R. Fernando at nangako itong poprotektahan ang dangal ng lalawigan laban sa mga sumusubok na bahiran ang kadakilaan nito.
Kamakailan, ipinatawag ni Fernando ang mga may-ari ng isang public utility vehicle na jeep, matapos kumalat muli sa online ang nakababastos na larawan nito na may nakasulat na slogan sa estribo na nagsasabing “Para umasenso ang Bulacan, kali**gan ay tigilan” na muling nag-trending.
“Batid po ng inyong Lingkod ang kumakalat ngayong larawan sa social media hinggil sa mga bastos na katagang nakasulat sa estribo ng isang jeep. Dahil po sa mga concerned citizen, ito po ay nakarating sa aming opisina at agad namin itong inaksyunan upang ito ay maitama dahil ang ano mang uri ng pambabastos sa Lalawigan ng Bulacan o sa kahit anong bayang nasasakupan nito, kailanman ay hindi makakalagpas at akin pong sinisigurado na ito ay mapananagutan,” anang gobernador.
Nagpahayag naman ng public apology ang mga may-ari ng jeep na may ruta mula Baliwag hanggang Malinta at nakiusap kay Fernando at sa mga Bulakenyo na sila ay bigyan ng isa pang pagkakataon para itama ang kanilang pagkakamali at ipinangako na hindi na nila ito muling gagawin.
“Humihingi po kami ng kapatawaran kay Gov. Daniel at sa mga Bulakenyo sa aming nagawang kasalanan, sa pagpayag na makita pa ng marami o mabasa ito ng mga nakakakita dahil sa ito ay public utility. Hinihingi po namin ito ng kapatawaran at nawa po ito ay huwag ninyo na pong pamarisan,” anila.
Samantala, sinigurado naman ni Fernando na naiintindihan ng mga may-ari ng jeep kung saan siya nanggagaling at ipinaliwanag na dapat nilang ipagmalaki ang probinsiyang kanilang kinabibilangan.
“Pagyurak po sa dangal ng probinsiya, iyan po ang ibig sabihin niyan. Kailangang iyan ay ayusin dahil ang bawat lugar po dito sa lalawigan ay pino-promote po ng maayos. Kung saan ka nakatira, dapat ipinagmamalaki mo, hindi ‘yung ganyan na niyuyurak ninyo ang lalawigan. Hindi po mahirap ang Bulacan dahil umaasenso na po tayo, papunta na sa atin ang mga development,” ani Fernando.
Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng Provincial Legal Office sa pamumuno ni Abgd. Gerard Nelson C. Manalo ang mga posibleng kaparusahan sa mga may-ari ng jeep na gumawa ng paglabag.