LUNGSOD NG MALOLOS – Ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando ang agarang pagpapatibay ng mga hakbang para sa kahandaan sa sakuna sa buong lalawigan, na nakatuon sa structural safety ng mga paaralan, pagtatatag ng mga itinalagang open-site evacuation centers, at institutionalization ng earthquake drills.
Inilabas ang mga direktibang ito sa isinagawang Joint PDRRMC and C/MDRRMOs Full Council Meeting noong Martes, kung saan binigyang-diin ni Fernando ang pangangailangan ng mabilis at mabisang pagkilos tungo sa higit na katatagan ng lalawigan.
Ang mga hakbang na ito ay base sa update mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at structural reports na isinumite ng Department of Education (DepEd) Bulacan.
Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Myleen C. Enriquez, Science Research Specialist ng PHIVOLCS-DOST, na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na aktibidad ng lindol, at iprinisenta ang “Orientation on Recent Earthquake Events and Possible Impacts of the West Valley Fault.”
Ayon kay Enriquez, ang West Valley Fault na dumaraan sa mga karatig na lalawigan ay hindi gumalaw sa loob ng humigit-kumulang 400 taon, dahilan upang tumaas ang posibilidad ng malakihang paggalaw na maaaring magdulot ng tinatawag na “The Big One.” Kaugnay nito, ipinakilala rin niya ang mga PHIVOLCS tools gaya ng GeoRiskPH, HazardHunterPH, at “How Safe is My House,” na makatutulong sa mga mamamayan at lokal na pamahalaan upang masuri ang kaligtasan ng mga gusali at matukoy ang mga panganib sa kanilang lugar, makikita ang mga karagdagang impormasyon hinggil dito sa phivolcs.dost.gov.ph.
“Natural ang lindol at iba pang sakuna, pero ang trahedya ay maaari nating maiwasan sa pamamagitan ng kahandaan at tamang pagtugon,” paalala ni Enriquez sa mga dumalo.
Sinundan ito ng ulat mula kay Peter C. Lacap, DRRM focal person ng DepEd Bulacan, na may petsang Oktubre 23, 2025, na may 287 sa 412 na elementarya at 75 sa 100 na sekondaryang paaralan ang nakapagsumite na ng building inspection reports na isinagawa ng municipal o city engineers kung saan sa naturang ulat, natukoy na 104 na elementarya at 36 na sekondaryang paaralan ang itinuring na hindi ligtas na kinabibilangan ng kabuuang 416 silid-aralan na nangangailangan ng malawakang pagkukumpuni o karagdagang engineering validation.
Nakikipag-ugnayan na sa kasalukuyan ang DepEd Bulacan sa mga lokal na pamahalaan para sa mabilisang beripikasyon at structural reinforcement, na may pangunahing layuning bumuo ng matibay na Learning Continuity Plans at updated na contingency measures laban sa lindol upang mabawasan ang panganib sa mga mag-aaral at kawani.
Habang ipinapaabot ni Fernando ang pasasalamat na nakaligtas ang Bulacan sa mga nagdaang kalamidad, binigyang-diin niya na dapat samantalahin ang panahong ito upang pabilisin ang kahandaan bago pa man ang sakuna at nagtakda ng malinaw at mahigpit na mga direktiba para sa lahat ng lokal na pamahalaan kabilang dito ang: 1) Pagtatatag ng itinalagang open evacuation sites — kailangang agad tukuyin, markahan, at ipaalam sa publiko ng mga lokal na pamahalaan ang nakalaang open evacuation areas para sa paglilikas at magtalaga ng pangunahing contact person para sa earthquake response management; (2) Agarang pagkuha at pamamahagi ng mga kagamitang pang-emergency — pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mabilis na pamamahagi ng mga flashlight, pito na may lanyard, bote ng tubig, at iba pang mahahalagang gamit; at (3) Pagpapalaganap ng earthquake drills at safety protocols — maglalabas ng pormal na memorandum na nag-aatas na isama ang earthquake drills sa araw-araw na morning activities ng mga paaralan.
“Hindi naman po ako kontra sa ‘duck, cover, and hold’ dahil epektibo po ito sa mga mahihinang lindol,” aniya. “Pero sa panahon ngayon na malalakas na ang pagyanig, mas mainam na lumabas sa mga open site para mas ligtas. Dapat po nating paghandaan ito, lalo na ang mga bukas na lugar sa mga paaralan at mga tahanan.”
Nakatuon ang action plan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga maagang hakbang o preemptive intervention upang mapangalagaan ang kinabukasan ng lalawigan laban sa mga inaasahang banta ng lindol, tinitiyak na ang kahandaan ay maging tuluy-tuloy na proseso at bahagi ng operasyon, hindi lamang tugon kapag may sakuna.





