LUNGSOD NG MALOLOS – Binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando na seryoso siya pagdating sa pagpapanatili ng isang ligtas at mapayapang lalawigan habang pinamunuan ang 1st Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) kahapon sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.
“Kailangan po nating bantayan mabuti itong mga kaso ng shabu, marijuana, at cocaine dito sa atin. Wala pa tayong ordinansa sa kasalukuyan, but I’ll give my directives regarding sa mga checkpoint para masuri mabuti kung may nakakalusot na mga iligal na droga,” ani Fernando.
Ipinahayag din niya ang kanyang pasasalamat para sa patuloy na suporta mula sa bawat miyembro ng konseho at iginiit ang kahalagahan ng pagkakaisa upang mapanatili at makamtan ang mga layunin ng konseho ngayong taon.
“Marami pa po tayong gagawing mga trabaho and I hope na harapin natin ito nang maayos at katuwang natin ang isa’t isa para mapanatili ang kaayusan. Basta sa Bulacan, gawin natin ang kapayapaan, harangin natin ang lahat,” anang gobernador.
Sumentro ang diskusyon sa mga posibleng hamon na maaaring harapin ng Bulacan sa pagsisimula ng taon pati na rin ang mga hakbang na kinakailangang gawin ng mga konseho upang malutas ang mga ito.
Upang magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa, inilahad sa presentasyon ng Bulacan Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency Bulacan, PTF-ELCAC, 70th Infantry Battalion of the Armed Force of the Philippines, at Department of the Interior and Local Government Bulacan ng mahahalagang hakbang upang mapanatili ang implementasyon ng mga programa para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan kabilang na ang implementasyon ng drug clearing program sa mga barangay, pagsasagawa ng mga checkpoint, at pagpasa ng lokal na ordinansa upang mapabuti ang pagpapatupad ng batas sa trapiko.
Bago matapos ang pagpupulong, ipinagkaloob ang mga sertipiko ng pagkilala sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang recipient ng Seal of Good Local Governance at pagpasa sa tamang rating sa 2023 Local Council for the Protection of Children (LCPC) Functionality Assessment at Local Committees on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC).