Fernando, hinikayat ang mga Bulakenyo na magsuot ng face mask para maiwasan ang respiratory infections

LUNGSOD NG MALOLOS – Inatasan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo sa pamamagitan ng inilabas na Memorandum No. DRF-12122023-658 noong Martes, Disyembre 12, 2023, na magsuot ng face masks upang maiwasan ang paglaganap ng respiratory infections at iba pang sakit na maaaring makapagbigay panganib sa kalusugan sa lalawigan ng Bulacan.

 
 
 
Bagamat hindi sapilitan, ang mga indibidwal sa mga health facility, may COVID-19 o respiratory infections, mga matatanda, mga mayroong underlying health conditions, mga buntis, mga hindi pa nababakunahan, at mga nagpapakita ng anumang senyales ng sakit ay nirerekomenda na magsuot ng face masks bilang pag-iingat.
 
“Panatilihin sana natin ang maayos na kalusugan dito sa lalawigan. Ito po ang magiging pundasyon natin sa pagbuo ng isang masigla at maunlad na komunidad,” ani Fernando.
 
Noong Hulyo 21, 2023, sa pamamagitan ng Proclamation No. 297, ay binawi na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Public Health Emergency na dulot ng COVID-19.