Fernando, Castro, sinelyuhan ang pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatibo

HAND IN HAND IN PUBLIC SERVICE. Naghawak kamay sina Gobernador Daniel R. Fernand at Bise Gob. Alexis C. Castro bilang simbolo ng pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan sa Bulwagang Senador Benigno Aquino Sr. Session Hall, Lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Huwebes.

UPANG mas lalong maging epektibo ang pamamahala para sa progresibong lalawigan, kapwa nagpahayag at nangako sina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro na susuportahan ang programa ng isa’t isa bilang pinuno ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa ginanap na Inaugural Session ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa Bulwagang Senador Benigno Aquino Sr. Session Hall sa Lungsod ng Malolos kahapon, Hulyo 15.

Nanawagan ang gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na isantabi ang pulitika at sariling interes, at yakapin ang kanilang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan ang kanilang mga kababayan.

Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro

“We can work independently in nature and in function yet together in principles and vision. Isa lamang ang ating layunin, ang makita na ang Bulacan ay isang maunlad, matiwasay, at masayang lalawigan kung saan may katarungan para sa lahat,” ani Fernando.

 

Gayundin, nangako si Castro na susuportahan ang mga programa ni Fernando at hinikayat ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ganoon din ang kaparehong gawin.

 

“Ang aking hamon para sa ating lahat, lalong higit sa ating mga kasamang Kasangguni, itaguyod po natin ang mga programa ng ating Punong Lalawigan. Ibigay po natin ang isang daang porsiyentong suporta sa kanya at sa kanyang pamumuno. Bigyan po natin siya ng hindi nahahating pakikiisa sa kanyang mga layunin. Kaya naman po ang atin ring pasasalamat kay Governor Daniel sa pagpapahayag ng suporta sa ating mga mithiin,” anang bise gobernador at pinunong tagapangulo ng SP.

Sunshine Garcia at Vice Gov. Alex Castro

 

Binuksan ni Castro ang Ika-11 SP sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Panloob na Alituntunin ng Pamamaraan; paghirang kina Majority Floor Leader Erlene Luz V. Dela Cruz, Assistant Majority Floor Leader Cezar L. Mendoza, at Minority Floor Leader Allan P. Andan; at pagtatalaga sa Chairmanship ng Standing Committees.

 

Ang Ika-11 Sangguniang Panlalawigan ay binubuo nina Bise Gob. Castro; mga Bokal Allan P. Andan at Romina D. Fermin mula sa Unang Distrito, Lee Edward V. Nicolas at Erlene Luz V. Dela Cruz mula sa Ikalawang Distrito, Raul A. Mariano at Romeo V. Castro, Jr. mula sa Ikatlong Distrito, Allen Dale DC. Baluyut at Enrique A. Delos Santos, Jr. mula sa Ikaapat na Distrito, Richard A. Roque at Cezar L. Mendoza mula sa Ikalimang Distrito, at Arthur A. Legaspi at Renato DL. De Guzman, Jr. mula sa Ikaanim na Distrito; at mga ex-officio members na sina Indigenous People’s Mandatory Representative Liberato P. Sembrano, Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Bulacan Ramilito B. Capistrano, Pangulo ng Philippine Councilor’s League Bulacan Chapter William R. Villarica, at Provincial Federation President ng Sangguniang Kabataan Robert John Myron A. Nicolas.

 

Samantala, ipinahayag rin ni Fernando ang kanyang Ulat sa Lalawigan at mga napagtagumpayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa kanyang unang termino sa harap ng Sangguniang Panlalawigan, mga pinuno ng mga tanggapan, at iba pang panauhin.