Upang matiyak ang sapat na suplay ng ligtas na dugo para sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng boluntaryong donasyon ng dugo, pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gob. Daniel R. Fernando kasama si Bise Gobernador Alex Castro ang bagong pasilidad ng Provincial Blood Center at Provincial Health Office – Public Health sa Bulacan Medical Center Compound sa lungsod na ito kamakailan.
Bilang isa sa mga probinsya sa Rehiyon 3 na may nangungunang pasilidad sa pagkakaloob ng dugo at bilang natatanging blood center na pinamamahalaan ng probinsiya, sineseguro ng bagong blood center ang mas pinahusay na serbisyo sa publiko kung saan nagdagdag ng mga bagong kagamitan tulad ng couches para sa anim na donor, refrigerated centrifuge, dalawang blood bank refrigerator, blood testing machine, at ultra-low plasma freezer.
Samantala, matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali ang Provincial Health Office – Public Health na kinabibilangan ng training room, logistics/stock room, Malaria hub at mga opisina para sa Health Education and Promotion Division, LGU Support Division at Epidemiology and Surveillance Division.
Nagtayo rin ng hiwalay na Cold Storage Room sa tabi ng bagong gusali na pinondohan ng United Nations International Children’s Emergency Fund upang matiyak ang maayos at ligtas na pag-iimbak ng mga bakuna para sa mga bata kabilang ang Penta Vaccine, BCG, MMR, Hepa B, PCV, IPV at OPV. Kasama rin dito ang 9,500 liters walk in refrigerator, ultra-low freezer na maaaring makalulan ng kalahating milyong suplay ng iba pang mga bakuna tulad ng COVID-19 vaccine kabilang ang Sinovac at Pfizer, bakuna sa pneumonia, bakuna laban sa trangkaso at HPV.
Sa mensahe ni Fernando, malaking tulong aniya ang pagkakaroon ng hiwalay na pasilidad para sa blood donations hindi lamang para sa mga Bulakenyo kundi sa iba pang pasyenteng nangangailangan ng tulong.
“Napakalaking tulong na atin pong binubuksan ang ating Blood Center dahil alam naman natin na galing tayo sa pandemya. Ito po ay isa sa kakulangan natin at kailangang bigyang muli dito sa ating lalawigan. Sa katotohanan naman, open tayo sa lahat. Marami na rin sa ating mga kababayan mula sa mga karatig probinsya ang dinadala sa ating mga kaganapan, ngunit siyempre, ayusin natin ang ating mga kababayang Bulakenyo. Gayunpaman, tayo ay nakahandang tumulong sa abot ng ating makakaya,” anang gobernador.
Ayon naman kay Bise Gob. Castro, patunay lamang ito na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay patuloy na nagsusumikap para maihatid sa mga Bulakenyo ang kanilang mga pangangailangan kaiugnay ng pangangalaga sa kalusugan.
Bukas ng 24 oras ang Provincial Blood Center upang magsilbi sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo habang maaari namang mag-donate ng dugo mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon araw-araw.