NAGPAHAYAG ng matinding pagdadalamhati si Bulacan Governor Daniel Fernando gayundin si Vice Gov. Alex Castro sa pag-buwis ng buhay ng limang rescuers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pananalanta ni Super Typhoon Karding Linggo ng gabi sa Sitio Banga-Banga sa bayan ng San Miguel sa nasabing lalawigan.
Pinapurihan din ng dalawang opisyal ang kabayanihan ng mga biktimang sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Narciso Calayag at Jerson Resurrecion, pawang nakatalaga sa PDRRMO ng Provincial Government of Bulacan.
“Kulang ang mga salita upang ipahayag ang aking kalungkutan sa naganap na trahedya sa ating mga kasamang rescuers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. Sa ngalan ng lalawigan ng Bulacan, ako ay taus-pusong nagpapasalamat at ikinararangal ang kanilang ipinamalas na kabayanihan at matapat na pagtupad sa kanilang tungkulin, sukdulang isakripisyo ang kanilang sariling buhay,” wika ni Fernando.
Mula sa tanggapan ng PDRRMO sa Malolos ay ipinadala ang mga biktima sa bayan ng San Miguel sakay ng isang rescue truck upang magsagawa ng rescue operation sa mga binahang residente dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan hatid ng Super Typhhon na si “Karding”.
Pagdating sa nasabing lugar ay hindi na makadaan sa kalsada ang truck kaya napilitan ang mga rescuers na gamitin ang dala nilang motorized banca upang makarating sa destinasyon kung saan lubog sa lagpas taong baha ang mga residenteng kailangan nilang iligtas.
Base sa report, malakas ang current ng agos ng tubig at sa kasamaang-palad ay tumaob ito hanggang sa tinangay ang mga rescuers na bagamat pawang naka-life vest ay kapwa nalunod ang mga biktima sanhi ng malakas na daloy mula sa flash flood.
Narekober na lamang ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima Lunes bandang alas-6:30 ng umaga na pawang mga naka-suot pa rin ang mga life-vest at helmet ng mga ito.
Tiniyak din ng gobernador na matatanggap ng bawat pamilya ng mga biktima ang mga benepisyong nararapat mula sa provincial government at personal nitong tulong. Sinagot na rin ni Fernando ang gastusin sa funeraria.
Napag-alaman na agad na tumungo sina Fernando at Castro sa lugar ng insidente at maging sa funeraria at personal na nakiramay sa mga naulilang mga pamilya.
Matapos sa bayan ng San Miguel ay nagpunta rin sa ibat-ibang apektadong lugar sina Fernando at Castro upang alamin ang kalagayan ng mga apektadong Bulakenyo kasabay ng pamamahagi ng agarang tulong sa mga ito.
Samantala, naghanda naman ang provincial government ng nasa 1,000 family food packs (FFP), at karagdagang 20,000 packs para sa pamamahagi sa mga Bulakenyong maaapektuhan ng super typhoon.
Nakapagtayo na rin ng mga modular tent ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Bulacan Capitol Gymnasium na magsisilbing isa sa mga evacuation center sa lalawigan.
Hinikayat rin ng gobernador ang kanyang mga kalalawigan na magdasal para sa proteksyon ng bawat Bulakenyo.