Fernando, Castro pinangunahan ang pamamahagi ng cash aid sa 1,900 Bulakenyo students

Nasa kabuuan nang 18,000 Bulakenyo students ang regular nang nakatatanggap ng educational assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ilalim ng “Tulong Pang-Edukasyon para sa Bulakenyo” scholarship program .

Nitong Huwebes ay humarap na sa publiko si Governor Daniel Fernando kasama si Vice Gov. Alexis Castro at pinangunahan ang isinagawang Scholarship Grant Payment educational assistance sa 1,900 na estudyante mula sa public and private colleges, universities, senior high school students sa ginanap na General Assembly sa Bulacan Capitol Gymnasium, Provincial Capitol Compound.

Ang pagharap muli sa publiko ni Fernando na makisig, makinis at walang bahid ng ano mang pasa o maga sa mukha ay patunay na walang katotohanan at fake news lamang ang kumalat sa social media na siya ay nagtatago at nagpapagaling dahil sa umanoy tinamong bugbog at namamagang mukha matapos na siya ay bugbugin umano ng isang mataas na opisyal sa gobyerno.

Ang nasabing aktibidad ay napatunayan at nasaksihan ng libu-libong estudyante na walang man lang ano mang galos sa mukha ang gobernador.
 


Ang tulong pang-edukasyon na nagkakahalaga ng P3,000 para sa mga estudyanteng naka-enroll sa mga state universities/colleges at public senior high schools, at P3,500 para sa mga nag-aaral sa mga pribadong institusyon, ay direktang idadagdag sa Landbank ATM cards ng mga benepisyaryo at maaaring agad na makuha sa parehong araw. 

Bukod sa tulong pinansyal, ang mga benepisyaryo ay binigyan din ng sarili nilang Landbank Piso Accounts upang matiyak na ang mga estudyante ay magkakaroon ng ligtas at madaling gamiting savings account na magagamit nila para sa edukasyon at personal na pangangailangang pinansyal. 

Bukod sa pagtanggap ng tulong pang-edukasyon at pagbubukas ng kanilang Landbank Piso Accounts, lumahok din ang mga estudyante sa mga sesyon ng oryentasyon tungkol sa financial literacy, gender sensitivity, stress management, at mental health awareness, kung saan binigyan sila ng praktikal na kaalaman na higit pa sa loob ng silid-aralan. 

Binigyang-diin ni Fernando na ang edukasyon ay nananatiling isa sa mga pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan at ang pamumuhunan sa mga kabataan ay isang pamumuhunan sa kinabukasan ng Bulacan. 

“Patuloy po tayong gagawa ng mga programang pang-edukasyon na magpapagaan sa kanilang suporta sa pananalapi na pasanin at susuporta sa paglalakbay sa edukasyon tungo sa pagtupad ng mga pangarap,” sabi ni Fernando. 

Sinabi naman ni VG Castro ang pamamahagi ng tulong sa mga mag-aaral ay isang matatag na hakbang para sa edukasyon at pangarap ng kabataang Bulakenyo. 
 


“Sa pamamagitan ng Scholarship Grant Payment na nagbibigay ng ipinagkakaloob sa mga iskolar ay pinagtitibay nito ang suporta sa kanilang paglalakbay tungo sa isang mas maunlad at mas mabilis na serbisyo sa ating mga scholars,” wika ni Castro. 

Nauna rito, ilang araw na pinagpiyestahan sa social media si Fernando matapos umanong masangkot sa road rage sa North Luzon Expressway na kinasasangkutan ng presidential son na una na ring itinanggi ng Palasyo, gayundin ang Land Transportation Office (LTO) na pinasinungalingan na naglabas sila ng show cause order sa gobernador. 

Kasunod nito, ay inilathala ng isang kolumnista na si Fernando dahil sa nangyaring umanong fake road rage incident, ay binugbog ng isang mataas na opisyal kung kaya ilang araw na hindi nasisilayan ang gobernador. 

Umani naman ng libu-libong reaksyon mula sa mga tagasuporta  ni Fernando ang nasabing fake news at sinasabing hindi sila naniniwala dahil hindi abusado at matinong public servant ang kanilang gobernador.