Fernando-Castro namahagi ng bigas sa10,471 pamilya sa Obando

Namahagi ng bigas sina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro sa 10,471 pamilya sa bayan ng Obando, Bulacan na naapektuhan ng pagbaha dulot ng nasirang dike sa Barangay Panghulo, Paco, Tawiran, Hulo, Lawa at Catanghalan na tinanggap ni Mayor Ding Valeda at mga kapitan ng barangay nitong Sabado. CONTRIBUTED PHOTO
NASA 10,471 pamilya mula sa bayan ng Obando, Bulacan ang nakatanggap ng ayudang bigas mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) nitong Sabado, Hulyo 9, 2022.
 
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang pamamahagi ng bigas ay pinangasiwaan ng PSWDO sa pangunguna ni Rowena Joson-Tiongson sa pakikipagtulungan ni Obando Mayor Ding Valeda at ng mga Kapitan ng Barangay.
 
Ito ay ipinamahagi sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng pagbaha na dulot ng nasirang dike noong nakaraang buwan ng Hunyo.
 
“Sa ganitong mga kalamidad, asahan niyo po na palagi nandiyan ang ating pamahalaan para umagapay sa inyong pangangailangan, hindi po namin kayo pababayaan,” wika ng gobernador.
 
Ayon kay Katrina Anne Bernardo, head ng Provincial Public Affairs Office, ang mga beneficiaries ay yaong mga pamilyang nagmula sa 8,883 kabahayan ng Barangay Paco, Panghulo, Lawa, Hulo, Tawiran at Catanghalan.
 
Mismong sina Fernando kasama si Vice Governor Alex Castro ang personal na namahagi ng mga bigas katuwang ang lokal na pamahalaan ng Obando sa pangunguna ni Mayor Valeda sa mga naapektuhan ng nasirang dike na nagpabaha ng ilang araw sa mga nabanggit na lugar mula sa 1 hanggang 5 talampakang tubig baha.
 
Labis naman ang pasasalamat n Mayor Valeda sa tulong na natanggap mula kay Fernando at Castro.
 
Hunyo 12, 2022 nang gulantangin ng mataas na pagbaha ang mga nasabing lugar nang masira ang dike sa Obando kasabay rin ang pagkasira ng floodgate dito dahil sa malaking volume ng tubig dulot ng high tide na nanggagaling sa Manila Bay.
 
Mabilis ang naging aksyon ng provincial at local government kasama na rin ang city government ng Valenzuela at tulong-tulong na nakumpuni ang dike at floodgate.