FERNANDO, CASTRO NAMAHAGI NG AYUDA SA 12,068 PAMILYA BIKTIMA NI PAENG

Personal na inihatid nina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro ang mga relief goods sa coastal areas sa Calumpit at Hagonoy para sa libu-libong Bulakenyos na lubhang naapektuhan ni Typhoon Paeng na ginanap nitong Biyernes at Sabado sa tulong ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). (ERICK SILVERIO)
NAKATANGGAP ng food pack assistance ang nasa 12,068 na pamilya mula sa coastal area sa bayan ng Calumpit at Hagonoy sa lalawigan ng Bulacan na lubhang naapektuhan sa nakaraang Bagyong Paeng sa isinagawang relief operation ng Provincial Government katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) nitong nakaraang Biyernes at Sabado.
 
Pinangunahan nina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro kasama ang mga kawani ng PSWDO sa pamumuno ni Rowena Tiongson at mga barangay officials ang nasabing relief distribution na unang isinagawa sa bayan ng Calumpit.
 
Ang mga pinamigay na food packs ay naglalaman ng apat na kilo ng bigas, assorted can goods at noodles.
 
Sina Fernando at Castro ay sinamahan din nila Board Member Allan Andan at Mina Fermin ng Unang Distrito sa unang araw ng operasyon sa pakikipagtulungan ni Mayor Lem Faustino.
 
Ayon kay Tiongson, nasa 990 families ang nakatanggap ng relief assistance mula sa Barangay Panducot; 1,000 families sa Barangay Sta. Lucia; 905 families sa Bulusan; 2,075 families sa Gatbuca at nasa 2,388 pamilya naman sa Barangay Iba O Este.
 
Nagpasalamat naman si Mayor Faustino at mga barangay officials dito sa provincial government sa ayudang natanggap.
 
Sumunod na araw ay tinungo nina Fernando-Castro at ng team nito ang bayan ng Hagonoy kung saan nakatanggap din ng kaparehong ayuda ang 1,300 families sa Barangay Tibaguin; 1,424 sa Barangay Consignacion; 1,036 sa Barangay San Juan at 950 families sa Barangay Palapat.
 
“Tuloy-tuloy po ang ating pagtulong sa mga lubhang naapektuhan ng nakaraang Bagyong Paeng, nandito kami para sa inyo mahal namin kayo,” wika ni Fernando.