Pormal na naghain ng kanilang Certificate Candidacy (COC) sina re-electionists Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro para sa 2025 midterm elections na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos nitong Martes.
Sila ang early birds o mga aspirante sa pagka-gobernador at bise-gobernador na unang naghain ng COCs para sa nabanggit na posisyon kung saan ang Fernando-Castro tandem ay sinamahan ng kanilang mga pamilya at tagasuporta.
Bago ang paghahain ay dumalo muna ng 6:00AM na Banal na Misa sa Malolos Cathedral sina Fernando-Castro kasama ang buong provincial slate ng National Unity Party (NUP).
Si Fernando ay nasa ikatlo na niyang termino habang si Castro ay nasa kanyang ikalawang termino.
Sinabi ni Fernando na ang kanyang priority program kung papalarin na makabalik ay itulak ang mega dike at water reservoir project para matugunan ang ilang dekada-problema sa pagbaha sa lalawigan.
“Bukod sa mega dike at water impounding ay uunahin natin simulan ang dredging operation sa mga kailugan sa lalawigan ng Bulacan kung saan sana ay isasagawa natin ang launching ng desilting ngayong Oktubre,” sabi ng gobernador.
Sinabi naman ni Castro na buo ang suporta ng gobernador lalo na sa 10-point agenda ni Fernando.
“Iimportante na lagi nakasuporta sa executive ang legislative branch at sa lahat ng layunin at programa ng gobernador, ipagpapatuloy natin ang napakahusay na Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng mabilis na pagpasa ng mga makabuluhang ordinansa na kapaki-pakinabang sa mga mamamayan ng Bulakenyo, ” ani Castro.
Parehong showbiz personalities sina Fernando at Castro bago pumasok sa pulitika.
Ang iba pang aspirants na inaasahang maghain para sa gubernatorial race ay sina dating gobernador Wilhelmino Alvarado sa ilalim ng PDP-Laban at dating Meycauayan City Vice Mayor Salvador Violago sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).