NANATILI bilang Punong Lalawigan si Governor Daniel Fernando at natangay naman nito sa pagkapanalo ang kaniyang running-mate na si Bokal Alex Castro na wagi rin bilang Bise-Gobernador habang 14 alkalde naman ang bagong halal sa lalawigan ng Bulacan sa isinagawang 2022 elections.
Base sa latest update ng ABS-CBN’s “Halalan 2022 Results”, 98.16% ng Election Returns Transmitted clustered precincts as of 9:32 ng umaga (May 10, 2022) o kabuuang 970,745 ang nakuhang boto ni National Unity Party (NUP) bearer Gob. Fernando kontra sa katunggali nitong si Vice Gov. Willy Alvarado ng Partido Demokratikog Pilipino-Laban (PDP-Laban) na mayroon lamang na 571,935 na boto.
Gayundin si Castro na mayroong kabuuang boto na 742,216 kung saan hindi rin nito pinaporma ang kaniyang kalaban na si former governor/ congressman Jonjon Mendoza na mayroon lang na 609,816 boto.
Nagpaabot naman ng labis na pasasalamat sina Fernando at Castro sa lahat ng sumuporta at nagtiwala sa kanilang tambalan at sa ihahatid nilang maayos at tapat na pamamahala sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Sa mga kakatawan naman sa Mababang Kapulungan ay wagi ang mga representante na sina Cong. Danny Domingo ng First District; Cong.Tina Pancho ng Second District; Cong. Lorna Silverio ng Third District; Cong. Linabelle Villarica ng Fourth District; Cong. Ambrosio Cruz Jr ng Fifth District; Cong. Ador Pleyto ng Sixth District at Cong. Rida Robes ng Lone District ng City of San Jose Del Monte.
Para naman sa Sangguniang Panglungsod ay panalo sina Bokal Allan Andan at Mina Fermin ng Unang Distrito; Bokal Pechay Dela Cruz at Dingdong Nicolas ng Ikalawang Distrito; Bokal RC Nono Castro at Aye Mariano ng Ikatlong Distrito; Bokal Jon-Jon Delos Santos at Allen Baluyut ng Ika-apat na Distrito; Bokal Ricky Roque at Teta Mendoza ng Ikalimang Distrito at Bokal Jay De Guzman at Art Legaspi ng Ika-Anim na Distrito.
Labing-apat naman ang mga bagong halal na mga alkalde o punong bayan kabilang na dito sina Angat Mayor Jowar Bautista; Bocaue Mayor Jon-Jon Villanueva; Calumpit Mayor Lem Faustino; Mayor Christian Natividad ng City of Malolos; Mayor Henry Villarica ng Meycauayan City; Mayor Ronaldo Flores ng Dona Remedios Trinidad; Mayor Agay Cruz ng Guiguinto; Mayor Baby Manlapas ng Hagonoy; Mayor Merlyn Germar ng Norzagaray; Mayor Ding Valeda ng Obando; Mayor Jocell Vistan-Casaje ng Plaridel; Mayor Gazo Galvez ng San Ildefonso; Mayor Omeng Ramos ng Santa Maria at ang unopposed na si Mayor Cholo Violago ng San Rafael.
Nahalal naman muli ang mga reelectionists na sina Mayor Ferdie Estrella ng Baliuag; Mayor Arthur Robes ng City of San Jose Del Monte; Mayor Rico Roque ng Pandi; Mayor Maritz Ochoa-Montejo ng Pulilan; Mayor Anne Marcos ng Paombong; Mayor Ricky Silvestre ng Marilao; Mayor Iskul Juan ng Bustos; Mayor Vergel Meneses ng Bulakan; Mayor Junior Gonzales ng Balagtas at Mayor Erick Tiongson ng San Miguel.