LUNGSOD NG MALOLOS – Matapos ang kanyang proklamasyon para sa kanyang ikatlong termino bilang punong lalawigan ng Bulacan, mabilis na bumalik sa kanyang tungkulin si Gobernador Daniel R. Fernando, at naghayag ng mga plano para sa hinaharap.
Sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, ipinahayag ng gobernador ang kanyang pasasalamat sa 1,177,893 Bulakenyo na nagtiwala sa kanyang pamumuno para sa panibagong mabungang administrasyon.

“Kasabay ng ating pasasalamat ay ang ating paninindigan na ipagpatuloy ang maganda nating nasimulan para sa lalong pag-unlad ng ating mahal na lalawigan,” ani Fernando.
Kasama sa mga inisyatibong kanyang inihayag ang napipintong paglalabas ng executive order na naglalayong paghusayin pa ang waste management system ng lalawigan. Mandato ng tuntunin na ito ang paglilinis ng lahat ng kailugan, partikular ang maliliit na daan-tubig, bilang paghahanda sa paparating na tag-ulan.
“Sa pag-ikot po namin ni Vice Gov., ako po ay nakatingin sa kapaligiran. Bukod sa pagkaway po sa tao, tinitingnan ko po ang dapat gawin. Hindi po ako basta nangangampanya lang. Tinitingnan ko rin kung ano ang problema pa ng mga Bulakenyo. At ang pinaka problema po natin ay ang basura,” anang gobernador.
Inihayag rin ni Fernando na magpupulong ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kasama ang mga lokal na Environment and Natural Resources Officers (ENROs) at mga punong lungsod at bayan upang lubos na talakayin ang mga kritikal na isyu ng kapaligiran.
Gayundin, kaugnay sa nangyaring malagim na insidente sangkot ang isang ina mula sa Santa Maria na sinasabing winakasan ang sarili niyang buhay at ng kanyang tatlong anak dahil sa depresyon at problema sa pamilya, idiniin ng gobernador ang kahalagahan ng mental health support. Inanunsyo niya ang pagtatalaga sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng kahit dalawang psychologists upang magbigay ng online consultations sa mga Bulakenyo, partikular na sa solo parents.
Aniya, nakatuon siya sa pagsisiguro sa buong implementasyon ng Mental Health Department sa loob ng Bulacan Medical Center, na nagpapatibay sa kanyang dedikasyon na pabutihin ang kapakanan ng komunidad.
“Sana po ay magkaroon din tayo ng panibagong lakas, pagkakaunawaan at dedikasyon. Patuloy po ninyo kaming samahan ni Vice Gov. Alex upang makapag-iwan tayo ng magandang legasiya ng paglilingkod sa Bulacan,” pagtatapos ng gobernador.