LUNGSOD NG MALOLOS – Pangungunahan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ng Bulacan ang oryentasyon sa Measles Rubella-Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) sa may 1,138 Kapitan at Sangguniang Kabataan Chairman sa lalawigan sa Abril 26 at 28, 2023 mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon sa Victory Church dito.
Layon ng oryentasyon na paigtingin ang aktibong partisipasyon ng mga barangay sa pagsasagawa ng MR-OPV SIA para sa mga batang may edad na 0-59 buwan bago ito ipatupad sa Mayo 1-31, 2023 kung saan kabilang din ang vitamin A supplementation sa mga batang wala pang 5 taong gulang.
Hinikayat din ni Fernando ang lahat ng mga opisyal, manggagawa, boluntaryo at healthcare practitioners sa barangay na palakasin ang nasabing kampanya upang makatulong na supilin ang paglaganap ng virus at sa huli, makatulong sa long-term goal na mapuksa ang tigdas sa bansa gayundin ay mapigilan ang outbreak.
“Tayo po ay nananawagan sa mga magulang, sa mga lingkod bayan, sa mga volunteer na pabakunahan po ninyo ang inyong mga anak dahil ito po ay proteksyon nila laban sa tigdas, polio at sa iba pang sakit. Huwag po tayong matakot sa bakuna dahil ito pong ipagkakaloob sa inyong mga anak o kapatid ay ligtas at garantisado,” anang gobernnador.
Ibinahagi din niya ang ‘best practices’ ng probinsiya na may kinalaman sa pagsuporta at pagpapatupad ng National Immunization Program (NIP) kabilang na ang aktibo at patuloy na pagtuturo sa komunidad hinggil sa kahalagahan ng regular na pagbabakuna sa mga bata sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lecture sa Damayan sa Barangay; pagsasama ng routine immunization, catch up vaccination, at utilization ng iba’t ibang media platforms para sa pagbababa ng impormasyon tulad ng Galing Bulacan TV Program, Radyo Kapitolyo, mga Facebook Page ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at PHO-PH at iba pang social media accounts; pagpapalawak ng sakop ng pagbabakuna sa bawat purok sa pamamagitan ng paghirang sa Sangguniang Kabataan bilang focal person sa pagpapakalat ng mga impormasyon; tuluy-tuloy na lingguhang routine immunization services sa Rural Health Units at Barangay Health Stations; pinaigting na health education at promosyon sa lahat ng mga ina at caretakers sa kahalagahan ng pagpapabakuna para sa mga kabataan sa lahat ng lebel; regular na pagsasanay sa health care workers para sa patuloy na pag-angat sa kamalayan at kakayahan; matibay na suporta mula sa mga local na pinuno sa pamamagitan ng pagkakaloob ng video awareness/key messages at tokens sa mga Fully Immunized Children (FIC); paglahok ng mga nasa pribadong sektor sa pagpapatupad ng mga aktibidad ng NIP at pagbabalita sa katuwang na LGU; probisyon ng badyet para sa implementasyon ng programa; at pagkakaroon ng scheduled supportive supervisory visit ng PHO-PH simula Pebrero hanggang Abril para palakasin ang pagmomonitor sa apat na siyudad at 20 bayan upang makamit ang 95% target ng FIC.
Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), mula Enero 1 hanggang Abril 8, 2023, naitala at inimbestigahan sa Bulacan ang may kabuuang 41 suspek na kaso ng tigdas. Ito ay 720% na mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon kung saan lima lamang ang naitalang suspected cases.