LUNGSOD NG MALOLOS — Tuluyan nang nagkaroon ng ‘Extra’ Negosyo Center sa bagong City Hall ng Malolos ngayong pinasinayaan na ito sa harapan ng Business One Stop Shop o B.O.S.S.
Ayon kay Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon, itinuturing na ‘Extra’ ang Negosyo Center sa city hall dahil pang-apat na ito sa lungsod ng Malolos at pang-27 sa buong lalawigan ng Bulacan.
Ang unang Negosyo Center sa Bulacan ay binuksan sa tanggapan ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI na nasa Hiyas ng Bulacan Convention Center, pangalawa sa DTI-Bulacan Provincial Office at pangatlo sa Lingkod Pinoy Center ng Robinson’s Place Malolos na pawang mga nasa lungsod.
Minarapat aniya na maihabol ang pagkakaroon nitong Negosyo Center sa mismong City Hall ng Malolos kung saan inilagay ito sa harapan ng B.O.S.S.
Paliwanag ni Aida Bernardino, pinuno ng B.O.S.S. sa Malolos, lalong mapapabilis ang pagbubukas ng mga negosyo sa lungsod ngayong nasa B.O.S.S. na ang Negosyo Center.
Ipinaliwanag niya na noong wala pa ang Negosyo Center sa city hall, mabilis nang nailalabas ng B.O.S.S. ang renewal at approval ng bagong business permit sa loob lamang ng isang araw.
Kaya’t sa pagbubukas ng Negosyo Center, inaasahan na magiging ilang oras na lamang ang bibilangin ay sabay nang makukuha ang business permit at business name.
Full-operational na rin ang E-BPLS o Electronic Business Permits and Licensing System dito sa B.O.S.S bilang pagtalima sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Katunayan, maaaring kumuha ng bago o renewal na business permit dito kahit walang dala na kaugnay na dokumento, dahil uubrang ma-track kung nakatupad sa iba pang kailangang rekisito sa pamamagitan ng E-BPLS.
Ang inisyatibong ito ang nagbunsod upang matamo ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang pagiging Top 1 na Most Improved City sa Cities and Municipalities Competitiveness Index o CMCI noong 2021.
Bukod dito, ayon kay Mayor Christian Natividad, hahatak pa ito ng mas maraming pamumuhunan na papasok sa lungsod at lilikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Iniulat ng punong lungsod na pinaplantsa na ang negosasyon para sa pagtatayo ng isang hotel na papantay sa pamantayan ng Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions o M.I.C.E. ng Department of Tourism.
Bahagi aniya ito ng pagbuhay sa turismo ng Malolos na hindi lamang nakatutok sa heritage at culinary tourism na dati nang naipakilala ng lungsod, kundi maging sa sports tourism kung saan maghihikayat ng iba’t ibang malalaking sports events na makapagdaos dito.
Samantala, sinabi naman ni Konsehal Nino Carlo Bautista na nirerepaso na ng Sangguniang Panglungsod ng Malolos ang pagbalangkas sa isang Revised Investment Code na magbibigay ng dalawang taon na tax incentives sa mga malalaking mamumuhunan at maging sa mga micro, small and medium enterprises.