Ex-BJMP personnel arestado sa P.8M shabu sa Dinalupihan 

Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Arestado ang isang dating tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa isinagawang buy-bust operation ng Dinalupihan Municipal Police Station noong Oktubre 16, 2025, sa Brgy. Daang Bago, Dinalupihan, Bataan.

Batay sa inisyal report ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagresulta sa pagkakadakip kay alias “DC,” 31 taong gulang, dating opisyal ng BJMP.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 122.10 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P830,280.00, pati na ang marked money na ginamit sa transaksyon.

Pinuri naman ni PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr., Regional Director ng PRO3, ang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng ating mahigpit na pagtupad sa PNP Focused Agenda ng Acting Chief, PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga at sa paniniguro ng pananagutan ng sinumang lumabag sa batas—maging sila man ay dating nasa serbisyo. Walang sinuman ang higit sa batas,” wika ni Peñones.

Dagdag pa ni Peñones, mananatiling matatag ang PRO3 sa pagpapatupad ng mga programa kontra ilegal na droga tungo sa isang ligtas at drug-free na Gitnang Luzon.