Empleyado sa RTC Malolos inereklamo sa paggamit ng vape

NAHAHARAP sa reklamo ang ang isang empleyado sa Regional Trial Court Malolos City dahil sa paggamit ng ‘vape’ sa loob ng nasasakupang gusali ng nasabing korte.
Kinilala ang inerereklamo na si Conrad Felipe, Utility Worker I sa Notarial Section ng Office of the Clerk of Court ng RTC Malolos City.
Ang nagrereklamo ay kinilalang si Joseph Dominic Capule, negosyante, nasa hustong gulang at residente ng 269 Binondo, Manila na nagsampa ng kasong Violations of Sec 15, paragraph (a) at Sec 16, paragraph (a) of Rule 140 of the Rules of Court.
Ang complaint ay isinampa ni Capule sa Supreme Court noong Abril 11, 2025 kung saan sinabi nito na ang naging aksyon ni Felipe sa paggamit umano ng vape sa vicinity ng RTC Malolos sa bahagi ng ‘Archive Section’ ng OCC ay “are clearly vulgar and unbecoming of a court personnel”.
Nabatid na ayon sa Rules of Court sa Sec 16 paragraph (a) of Rule of Court, ito ay itinuturing na isang ‘light charges’.
Bahagi rin ng reklamo ni Capule laban kay Felipe ay ang umanoy pagbigay ng notarized document sa isang indibidwal na walang authorization mula sa magkabilang partido na nakapaloob sa notarized contract documents.
Pahayag ni Capule, paglabag umano ito sa Sec 15 paragraph (a) of Rule 140 of the Rules of Court na nagsasad na Less Serious Charges “(a) Simple misconduct constituting violations of the Code of Judicial Conduct or of the Code of Conduct for Court Personnel;xxx”.
Nakasaad dito na ang isang court personnel ay “shall not disclose to any unauthorized person any confidential information acquired by them while employed in the judiciary, wether such information came from authorized or unauthorized sources”.
Pinagpapaliwanag naman ni Executive Judge Hermenegildo Dumlao II ng Malolos RTC si Felipe hinggil sa reklamo ni Capule at sa mga sandaling ito ay hindi pa makapagbibigay ng kaniyang pahayag si Judge Dumalao hanggat hindi pa natatanggap ang utos o hakbangin na manggagaling sa Supreme Court kaugnay ng reklamo.
Sa panayam kay Felipe sinabi nito na gumawa na siya ng written explanation kay Judge Dumlao kung saan pinabulaanan nito ang paratang sa kaniya kaugnay ng umanoy pagpapakita at pagpapakalat ng mga confidential documents sa ibang tao habang ang alegasyon na naninigarilyo siya sa pamamagitan ng vape sa nasasakupang establisyimento ng korte ay matagal na umano iyon at 10 taon na ang nakalipas.
Bahagi rin ng kaniyang written explanation ay ang paghingi ng paumanhin.