LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – May mabibili nang P69, P70 at hanggang P77 na halaga ng kada isang kilo ng Asukal sa 17 na mga supermarkets Bulacan ayon kay Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan Provincial Director Edna Dizon.
Siyam rito ay mga sangay ng Puregold supermarket na nasa Bagbaguin sa Santa Maria, Guiguinto-Tabang, Guiguinto-Sta. Rita, Malolos, Baliwag, Bulakan, Marilao-Casa Cecilia, Meycauayan-Aliw at sa San Jose Del Monte-Tungkong Mangga.
Dalawang sangay naman ng Robinson’s Supermarket ang may tinda rin ng ganitong halaga ng kada kilo ng Asukal sa Malolos at Marilao-Ez Mart; dalawang Savemore supermarket sa Malolos at Baliwag; Save Mart sa Sta. Clara sa Santa Maria, SM Hypermarket sa Baliwag at sa Waltermart- Santa Maria.
Ang halagang P70 kada isang kilo ay para sa puting Asukal o refined sugar. Mayroong mabibili na P77 na premium raw sugar at P69 naman ang Brown sugar.
Resulta aniya ito ng naging pakikipag-ugnayan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa mga stakeholders sa industriya ng Asukal upang mapababa ang presyo nito.
Kaugnay nito, nasa 42,733 na sako ng Asukal na natagpuan sa isang warehouse sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan sa ginanap na inspeksiyon ng Bureau of Customs at DTI.
Kasalukuyan itong iniimbestigahan kung kasama ang nasabing mga Asukal sa mga itinatagong suplay, ipinuslit o isang standby order para sa industrial use.
Tatagal ang pagtitinda ng mga Asukal na ito mula halagang P69 hanggang P77 hangga’t mayroong suplay na uubrang maibenta sa nasabing presyo.