DTI OTOPamasko Pre-Holiday Fair tampok ang gawang produkto ng PDL sa Bulacan

Tampok sa binuksang OTOPamasko Pre-Holiday Fair ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga likhang produkto ng 45 na Persons Deprived of Liberty o PDL sa Bulacan na nasa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP. Bukas ito hanggang Nobyembre 20, 2022 sa Robinson’s Place Malolos sa lungsod ng Malolos, Bulacan. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Umalalay na ang Department of Trade and Industry o DTI- Bulacan sa promosyon at pag-aalok ng mga produktong likhang kamay ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL na nasa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

 

Sa binuksang OTOPamasko Pre-Holiday Fair ng DTI sa Robinson’s Place Malolos, tampok ang mga produkto na gawa ng 25 na PDL sa Marilao Municipal Jail, 10 sa Balagtas District Jail at 10 sa Baliwag Municipal Jail.

 

Kabilang ang kanilang mga produkto sa 32 pang mga kalahok na micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nauna nang natulungan ng DTI na maging ganap na One Town, One Product o OTOP.

 

Ang OTOP ay isang pangunahing programa ng DTI na binuo sa bisa ng Executive Order 176 na inilabas ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2003, upang matulungan ang mga MSMEs na maitaas ang antas ng kalidad ng kanilang mga produkto upang maipasok sa mas malalaking merkado.

 

Ayon kay Jail Chief Inspector Delight Ercilla, regional chief ng welfare and development ng BJMP sa Region III, pinondohan ng BJMP ang pagkakaroon ng mga kinailangang mga materyales sa paggawa paso, mini-cabinet at iba pang handicraft ng mga PDL.

 

Nagsimula lamang ito nitong kalagitnaan ng taong 2022 na inisyal na iniaalok lamang ng BJMP sa pamamagitan ng online selling.

 

Layunin aniya nito na maging produktibo ang mga PDL habang nakakulong o dinidinig ang kani-kanilang mga kaso, sa pamamagitan ng pagpapamalas ng husay sa paglikha ng mga handicrafts na gamit ang mga kamay.

 

Ang kikitain ng mabibiling produkto ay mapupunta ang bahagi sa indibidwal na mismong lumikha at sa kanilang samahan.

 

Sinabi naman ni Edna Dizon, provincial director ng DTI-Bulacan, ito ang unang pagkakataon na nailahok sa isang trade fair na inorganisa ng ahesiya ang mga PDL sa Bulacan.

 

Umaasa siya na magiging regular na ito upang tunay na maitinda at mas mabilis na mabili ang mga likhang produkto mula sa loob ng mga kulungan.

 

Kaugnay nito, ibinalita rin ni Angelita Parungao, provincial director ng Department of Science and Technology (DOST)- Bulacan Provincial Office, na nagkaloob ng oven ang ahensiya sa BJMP upang makatulong naman sa mga produktong pagkain na gawa ng mga PDL sa Bulacan.

 

Tatagal ang OTOPamasko Trade Fair hanggang Nobyembre 20, 2022.