CAMP CONRADO D YAP, IBA, ZAMBALES- Nabuwag ang isang hinihinalang drug den ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Zambales Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit (ZPPO-PDEU) at Subic Police Station sa isinagawang anti-drug operation kung saan apat na suspek ang naaresto sa Barangay Matain, Subic, Zambales nitong Biyernes, Pebrero 18, 2022.
Kinilala ni Zambales PPO provincial director PCol. Fitz Macariola ang inarestong mga suspek na sina Virgilio Narzaro Paner, at Arvin Narzaro Paner, kapwa ng Barangay Matain, Subic habang nadakip rin ang dalawa pang kasamahan nito na sina Richard Deloza ng New Kalalake, Olongapo City at Christian Graciel Roseta, residente ng Barangay Asinan Poblacion, Subic.
Ayon kay Col. Macariola, seryoso ang kanilang anti-criminality campaign kaya naman nagresulta sa pagkakabuwag ng naturang drug den na pag-aari ng naarestong Paner brothers.
Nauna rito, nadakip din ng San Narciso Police at mga tauhan ng PDEA, Zambales PPO-PDEU at 1st Provincial Mobile Force Command sa isinagawang implementasyon ng search warrant ang suspek na si Philip John Rebojio Begonia, miyembro ng Buela Criminal Group na mayroon operasyon sa lalawigan ng Zambales.
Nabatid na si Begonia ay kabilang sa listahan ng High Value Individual (HVI) ng Barangay La paz, San Narciso, Zambales. Nakumpiska sa kaniyang pag-iingat ang 5 gramo ng hinihinalang shabu at assorted drug paraphernalia.
Sa nasabing magkahiwalay na drug operation, nasa kabuuang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000.00 ang nakumpiska sa mga suspek.
Nahaharap sa kasong kriminal o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.