BULACAN- Nagpapatuloy ang ahensiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office (DEO) sa konstruksyon ng sampung pumping stations at flood control structures na nagkakahalaga ng mahigit P12.6-bilyon na siyang magpapababa ng baha sa mababang lugar sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at sa Lungsod ng Malolos.
Ito ang ipinahayag ni District Engineer Brice Ericson Hernandez ng DPWH-1st DEO kung saan ang mga nasabing proyekto ay binubuo ng complete set ng flood gate at pumping station.
Aniya, sa sampung flood control projects, ang sa Barangay Santo Rosario sa bayan ng Hagonoy na may 53-metro lapad ang pinakamalaki sa lahat at may tatlong flood gates at tatlong pumping stations at tinatayang gastusin na aabot sa P2-bilyon upang makumpleto ang proyekto.

Kasunod nito ay ang 48-metro na lapad ng dalawang flood gate at tatlong pump sa Barangay Sta Elena, Hagonoy na may P1.650-bilyon pa na kailangan na pondo para makumpleto, habang ang 25-meter na lapad na may isang gate at tatlong pump sa Barangay Carillo, Hagonoy ay kakailanganin pa ng P1.425-bilyon para makumpleto at sa Barangay Santo Rosario sa sa City of tMalolos ay aabot naman ng P1.4-bilyon para sa kabuuang proyekto.
Samantala, mayroon ding ginagawang konstruksyon ng parehong flood control projects sa Barangay Iba at Mercado sa Hagonoy, Barangay Meyto sa bayan ng Calumpit at Barangay Calero, Atlag at Mambog sa Lungsod ng Malolos na may kabuuang halaga na P1.9-bilyon pa na kakailanganin para makumpleto ang konstruksyon.
Sinabi ni DE Hernandez na ang kabuuang halaga na kailangan pang pondo para sa lahat ng 10 pumping stations na may kumpletong set ng flood gate at operating pump na para maging operational sa Abril ng 2026 ay nasa P2.650-bilyon.
“Batay sa aming master plan, dagdag na P7.670-billion ang kabuuang pondong kailangan para makumpleto ang mga konstruksyon ng lahat ng sampung pumping stations na kinabibilangan ng civil works at electromechanical parts na kailangan. Kabilang dito ang mga karagdagang pump na kung saan ay makabuluhang madaragdagan ang kapasidad ng pasilidad na mag-discharge ng tubig,” wika ni Hernandez.
Kamakailan ay nakipagpulong si DE Hernandez at Assistant District Engineer na si JP Mendoza kina Bulacan First District Representative Congressman Danilo Domingo at Provincial Engineer Glenn D. Reyes kung saan binalangkas nila ang mga pondong kailangan para ganap na makumpleto ang mga proyekto.
Nabatid na mayroon lamang P2.330-bilyon na inisyal na pondo na inilabas para sa nasabing mga proyekto at kailangan pa ng P2.650-bilyon para maging operational at P7.670-bilyon pa para matapos.
Sinabi naman ni Cong. Domingo na ihaharap at ipapaliwanag niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karagdagang pondo na kailangan para tuluyang matapos ang proyekto sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa ni DE Hernandez, mayroon ding ginagawang flood gate at pumping station sa Barangay Panginay sa bayan ng Balagtas at parehong proposed project sa bayan naman ng Guiguinto, Bulacan.
Sinabi ni Hernandez, ang pondo para sa mga proyektong ito ay nagmula sa budget ng senador at kongresista sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng General Appropriation Act (GAA) para sa taong 2024.
Ayon kay DE Hernandez, bagama’t may mga ganitong proyekto na ginagawa, sea walls at flood walls pa rin ang kailangan para hindi na bumalik ang mga hinigop na tubig baha.
Dagdag pa niya, mapipigilan lamang ng pumping ang pagtaas ng tubig baha ngunit hindi ito tuluyang maaalis dahil open ang mga lugar at wala pang mga sea walls.