DPWH, kukumpletuhin ang feasibility study ng Bocaue-Pandi Bypass Road Project

Matatagpuan ang panimula ng proyektong Bocaue-Pandi Bypass Road sa gilid ng Tambubong Exit ng North Luzon Expressway sa Bocaue, Bulacan. Ito ang magiging direktang daan patungo sa Pandi, Bulacan mula sa nasabing expressway. Target ng Department of Public Works and Highways na matapos ang bypass road sa 2028. (Shane F. Velasco/PIA 3)

BOCAUE, Bulacan (PIA) — Tinututukan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos ang feasibility study para sa proyektong Bocaue-Pandi Bypass Road pagsapit ng Hunyo 2026.Β 

Ito’y upang mapabilis ang pagkukumpleto ng right-of-way (ROW) alignment ng inilalatag na 11 kilometrong kalsada mula sa Tambubong Exit ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Bocaue patungo sa Siling Matanda sa Pandi, Bulacan. 

Iyan ni DPWH Bulacan 1st  District Engineering Office Project Development Officer Ronalie Pagtalunan sa naging pagbisita ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ng Central Luzon Regional Development Council (RDC). 

Layunin nito na mapabilis ang pagpapagawa sa proyekto na nasimulan pa noong taong 2020, ngunit tumagal na ng anim na taon dahil sa mga problema sa ROW. 

Napag-alaman ng RPMC, na pinangungunahan ng Department of Economic, Planning and Development (DepDev), na nasimulan ang proyekto na walang feasibility study kaya’t  nahihirapang makumpleto ang ROW at hindi malaanan nang malaking pondo. 

Paliwanag ni DepDev Region III Chief Economic Development Specialist Fernando Cabalza, hindi uusad ang proyekto kung walang umiiral na feasibility study dahil walang malinaw na road alignment ang nasabing bypass road project. 

Ito ang batayan upang malaanan ng tuluy-tuloy na pondo para makuha o mabili ang partikular na kailangang ROW. 

May halagang P1.9 bilyon ang proyekto kung saan inisyal na pinopondohan mula sa mga Pambansang Badyet ng 2020, 2021, 2023 at 2024. 

Hindi ito nalaanan ng pondo noong 2022 at 2025. 

Ipinaliwanag din ni Cabalza na sa paglalaan ng nasa P100 milyon lamang kada taon para sa P1.9 bilyong proyekto, aabutin ng nasa 19 na taon bago matapos ng Bocaue-Pandi Bypass Road. 

Kung may feasibility study na ito, mas mapapadali ang paglalaan ng Department of Budget and Management (DBM) ng mas malaking pondo sa loob ng isang fiscal year.  

Bilang tugon sa panukala ng RPMC sa DPWH, sinabi ni Pagtalunan na sa oras na natapos ang feasibility study, maaari na itong isumite sa mga Municipal Development Councils ng Bocaue at Pandi, Provincial Development Council sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at sa RDC.

Ito’y upang maaprubahan sa nasabing mga konseho at maiendorso na maisama sa mga susunod na National Expenditure Program o panukalang badyet na inihahanda ng DBM.

Kung magtutuluy-tuloy na sumulong itong nasabing catch-up plan, tinatarget itong matapos sa taong 2028 kung saan magkakaroon ng apat na linyang Bocaue-Plaridel Bypass Road, na tig-dalawang linya ang papuntang Pandi at palabas sa NLEX-Tambubong Exit.