LUNGSOD NG MALOLOS — May apat na job fair ang Department of Labor and Employment o DOLE sa Bulacan ngayong Mayo.
Idaraos sa Araw ng Paggawa sa Mayo 1 ang job fair sa SM City Marilao at SM City San Jose del Monte.
Ayon kay DOLE Bulacan Labor and Employment Officer Hannibal Jose Capili, nasa 45 na mga lokal na employer ang magbubukas ng may 2,072 trabaho sa Marilao.
May kabuuang 14 na mga lokal na employer naman ang magbubukas naman ng nasa 2,200 na mga trabaho at limang employer na sertipikado ng Department of Migrant Workers na mag-aalok ng sari-saring trabaho sa ibang bansa sa San Jose del Monte.
Nasa 768 na mga lokal na trabaho ang bubuksan sa gaganaping job fair sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos sa Mayo 3.
Magkatuwang itong isasagawa ng DOLE at Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office.
At panghuli, nasa 852 na mga lokal na trabaho ang iaalok ng nasa 16 na mga employer sa isa pang job fair na gaganapin sa SM City Baliwag sa Mayo 4.
Ang mga iaalok na trabaho ay nasa sektor ng advertisement, agribusiness, automotive, banking and finance, construction, electrical, engineering, health care, hospitality and tourism, human resource, manufacturing, retail at wellness.