LUNGSOD NG MALOLOS – Inilunsad ng Department of Health (DOH) ang mas pinaigting na kampanya para sa eliminasyon ng cervical cancer sa Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan kamakailan bilang bahagi ng Cervical Cancer Awareness Month ngayong Mayo na may temang “Babae, Mahalaga Ka!” na naglalayong hikayatin ang mga kababaihan na sumailalim sa cervical screening para sa kanilang kalusugan.
Binigyang diin ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakatuon ang kampanya sa counseling, screening, at paglalapat ng lunas. Aniya, layunin ng inisyatiba na pataasin ang kaalaman ng mg kababaihan tungkol sa cervical cancer at kung paano ito maiiwasan.
Bilang bahagi ng kampanya, maaaring sumailalim sa cervical screening tulad ng pap smear sa lahat ng rural health units para sa mga kababaihan na edad 35 pataas.
Ibinahagi rin ni Vergeire ang nakakagulat na estadistika: 12 kababaihan ang namamatay araw-araw dahil sa cervical cancer sa Pilipinas.
Bago ilunsad ang kampanya, nagkaloob ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na pinamumunuan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro, sa pamamagitan ng Provincial Health Office – Public Health, ng libreng HPV vaccine (Anti-Cervical Cancer) na ibinibigay sa mga rural health unit para sa mga batang babae na edad 9-14 taon.
Ang hakbang na ito ay naglalayong pataasin ang bilang ng maagang pagkatuklas at mapabuti ang resulta pasa sa mga at risk na indibidwal.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Castro ang kahalagahan ng kalusugan ng kababaihan at sinabing, “Prevention is better than cure. Kung mape-prevent natin ang cervical cancer sa mga kababaihan, marami pong mga ospital ang luluwag at marami pong mga kababaihan ang maililigtas natin. Dahil minsan, kung kailan malala, doon po naghahabol. Pero kung lahat ng kababaihan ay mai-screen natin sa lalong madaling panahon, mas mainam, bago dumapo, mai-cure na agad natin.”
Dagdag pa niya, nagsimula na rin ang kanyang tanggapan ng isang programa para sa pagsasagawa ng breast cancer screening.
“Sa pamamagitan ng opisina natin, nagkakaroon tayo ng breast cancer screening sa mga kababaihan. At maganda po ngayon, magkasama na, may breast cancer at cervical cancer screening na. Talagang lahat ay matutulungan natin ang mga kababaihan upang maiwasan ang sakit na cancer,” anang bise gobernador.