DOG POUND ITINAYO SA GUIGUINTO

NAGTAYO ang Pamahalaang Bayan ng Guiguinto, Bulacan ng isang dog pound na siyang aaruga sa mga homeless o pagala-galang mga aso sa derektiba ni Mayor Agatha Cruz.

Ito ay ang Guiguinto Municipal Dog Pound na matatagpuan sa Barangay Sta. Cruz.

Ayon kay Municipal Administrator Elmer Alcanar, ito ay magsisilbing tirahan ng mga asong wala nang nag-aalaga o inabandona na ng may-ari at pagala-gala na lamang sa lansangan.

Layunin din nito na masiguro ang kaligtasan ng bawat Guiguintenyo sa panganib dulot ng rabbies mula sa kagat ng ligaw na aso.

Nabatid na sa ngayon ay mayroon 20  mga aso ang inaalagaan dito at nabibigyan ng karampatang vitamins, deworming, at vaccines.

Panawagan ng lokal na pamahalaan, ang mga aso rito ay maaaring i-adopt sa mga nagnanais na mag-alaga at maging responsible fur-parent.

Maaaring makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office at hanapin si Doc Roel Dela Cruz.