Disqualification VS Unity Team-Pandi, isinampa dahil sa paghingi ng pondo pang-kampanya

NAGSAMPA  ng ‘Petition for Disqualification’ sa Commission on Elecetion (COMELE) ang isang residente sa bayan ng Pandi, Bulacan laban sa  tumatakbong alkalde rito kasama ang buong team nito na Unity Team Pandi.
Pinadi-disqualify ni Acmali Pendang Odin, nasa hustong gulang , residente ng Block 10, Lot 22, Atlantika, Barangay Mapulang Lupa, pandi, Bulacan ang mga kandidato sa ilalim ng Partido Federal ng PIlipinas (PFP) sa pangunguna ni Katrina Marquez, tumatakbong mayor sa nasabing bayan gayundin ang buong ticket nito.
Kabilang dito sina Crispin Castro bilang Bise-Alkalde at mga konsehales na sina Jonathan Antonio, Ronaldo Cristobal, Ferdinand De Guzman, Christian Fajardo, Rogelio Leonardo, Leonardo Libiran Jr., Ysrael Marcos at Sergie Alfred Ramos.
Ang petitioner na si Odin ay nais madis-qualify ang mga nabanggit na kandidato kaugnay ng paghingi umano ng mga ito ng financial assistance sa isang negosyante sa bayan ng Pandi.
Ito ay nakasaad  sa Omnibus Election Code (OEC) ng Sec. 68 under Section 95 (c) (d)  “soliciting prohibited contribution” na ipinagbabawal sa mga kandidato.
Sa 44-pahina petisyon ni Odin na isinampa noong Abril 30, 2025, kalakip dito ang kopya ng pirmadong solicitation letter ng mga respondents sa isang nagngangalang Eugenio Enrique Agco Jr., may-ari ng EDA Waste Recycling Non-Hazardous Solid Waste Collection Services na may petsang Abril 2, 2025.
Dito ay nakasaad ang paghingi ni Marquez at ng kaniyang buong slate ng financial assistance na pwedeng iambag sa Unity Team-Pandi bilang suporta sa kanilang pangangailangan sa pangangampanya para sa nalalapit na Midterm May 12 Electrions.
Sinabi rin sa liham na sakaling palaring maluklok ang kanilang team ay tutulungan  ang kaniyang negosyo na pababain ang binabayaran sa pagkuha o renewal ng business permit at bigyan ng incentives.
Ang nasabing kumpanya na akredito ng Bureau of Customs (BOC) ay may kasalukuyang kontrata sa Pamahalaang Bayan ng Pandi bilang siyang waste collector sa nasabing bayan.
Ang petisyon ay suportado ng sworn statement ni Agco, may-ari ng EDA Waste Recycling Non-Hazardous Solid Waste Collection Service.