BULACAN–MARIING pinabulaanan ni former San Rafael Mayor Jesus “Jessie” Viceo, kandidatong congressman ng ika-3 Distrito ang kumakalat na balita o maling impormasyon na naglabas umano ng decision order ang Commission on Election na siya raw ay ‘disqualified’ sa nalalapit na 2022 national at local elections.
Sa panayam kay Mayor Viceo, sinabi nito na walang katotohanan na siya ay disqualified para tumakbong kongresista ng nasabing distrito kung saan tahasang sinabi nito na ito ay “FAKE NEWS”.
Naniniwala ang dating alkalde na naglingkod sa loob ng 18 taon sa bayan ng San Rafael na ang nasabing pagpapakalat ng maling impormasyon sa mga social media ay isang stratehiya ng kaniyang kalaban upang lituhin ang taumbayan at paniwalaing hindi na siya maaaring tumakbo sa nalalapit na eleksyon.
Nabatid na si Viceo ay substitute candidate kay Alvin John “Calvin” De Leon na siyang nais idiskuwalipika ang inihaing Certificate of Candidacy (CoC) at dito sinasabi ng kaniyang mga kalaban na awtomatiko rin siya na diskuwalipikado sa naturang Halalan 2022.
Aniya, ang kaniyang pinalitan ang dinidiskuwalipika sa Comelec pero hindi ibig sabihin nito na pati siya ay awtomatiko ring disqualified.
“Wala po ako at ang aking abogado na natatanggap na disqualification order from the Comelec,” mariing wika ni Viceo.
Paliwanag pa ni Viceo, maging sa inilabas kamakailan na sample ballot ng Comelec ay kasama rito ang kaniyang pangalan patunay lamang na hindi siya disqualified.
Magpahanggang sa ngayon ay wala pa rin final order mula sa sa nasabing tanggapan na siya ay awtomatikong diskuwalipikado kaya panawagan nito sa mga taga-3rd District ng Bulacan na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na fake news.
“Ako po ay hindi diskuwalipikado, tuloy pa ang aking laban. Natatakot at natataranta na po ang aking katunggali kaya gumagawa sila ng ganitong uri ng desperate move,” wika ni Viceo.
Inamin ni Viceo na nagpunta sa kaniya si Congresswoman Lorna Silverio kamakailan at pinakiusapan siyang umatras at huwag na siyang lumaban sa darating na halalan.