BALER, Aurora — Pinasinayaan ng Department of Agriculture (DA) at lokal na pamahalaan ang Agri-Business Incubation Hub sa Dingalan, Aurora.
Layunin nito na makapagbuo ng permanenteng merkado, palakasin ang produksyon, at magbigay kakayahan sa mga magsasaka at mangingisda na makagawa ng mga income-added by-product.
Sa isang pahayag, sinariwa ni Aurora Lone District Representative Rommel Angara ang naging mga hakbang upang maisakatuparan ang proyekto.
Aniya, hindi dito natatapos ang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda kundi simula pa lamang tungo sa mas malaking tagumpay.
Sinabi naman ni Mayor Shierwin Taay na ang Dingalan Agri-Business Incubation Hub ang pinakamalaking processing area sa lalawigan kung kaya hindi nila hahayaang masayang ang oportunidad at serbisyo nito.
Ayon kay DA Market Specialist Charito Libut, ang P50 milyon hub ay pinondohan sa ilalim ng Agri-Industrial Business Corridors ng ahensya.
Ito ay binubuo ng processing facility, solar drying facility, ice plant, cold storage facility, cafeteria o display area, at transportation facility na may kasamang wing, freezer at dropside truck.
May kabuuang anim na magkakahalintulad na pasilidad ang ipinatayo ng DA sa buong bansa.
SOURCE: Michael A. Taroma PIA3