DILG, ULAP, pinangunahan ang Local Governance Summit 2024

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang maiangat ang serbisyong pampubliko at bumuo ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mga opisyal ng lokal at pamahalaang nasyunal, pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Union of Local Authority of the Philippines (ULAP) ang dalawang araw na Local Governance Summit 2024 na may temang ‘LGUs sa Bagong Pilipinas: Smart. Resilient. Driven’ na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay noong Agosto 22-23, 2024.

 

Sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. na ang summit ay pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaang nasyunal at lokal na pamahalaan kung kaya tinipon nila ang may 3,000 lokal na pinuno at stakeholders kabilang si Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, upang alamin ang mga bagong inobasyon at makipagpalitan ng best practices sa pamamahala at paghahatid ng serbisyong pampubliko.

 

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga lokal na punong ehekutibo na tuparin ang mga responsibilidad na karugtong ng kanilang mga posisyon.

 

“This is an opportunity for each of us to reflect on the huge responsibility that we all hold in our hands-the ability to transform our respective communities and the lives of those that are in those communities under the banner of Bagong Pilipinas,” anang Pangulo.

 

Samantala, kinilala naman ni Fernando ang kahalagahan ng collaborative efforts sa pagkamit ng layunin ng mabisang paglilingkod sa bayan.

 

“Sa Bulacan, alam natin ang importansya ng collaborative efforts mula sa ating mga tanggapan, ahensiya at mga stakeholder ng Pamahalaang Panlalawigan, na siyang nagiging tulay upang ang mga pagsubok, sa halip na maging balakid ay maging oportunidad upang ang lalawigan ay mas mapabuti,” anang The People’s Governor.

 

Kabilang sa mga paksang tinalakay sa unang araw ay ang national policies at advocacies for local government units (LGUs) at ang pagrebisa sa tatlong dekada ng LGU Innovations and Best Practices habang sa ikalawang araw naman ay tinalakay ang digital transformation sa pamamahala, smart infrastructure at urban design, climate resilience, environmental governance, public health at safety, pati na rin ang transparency, accountability at community engagement.