LUNGSOD NG BALIWAG — Aagapayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang digitalization ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan na nasa creative industry.
Nasa 3,824 MSMEs sa lalawigan ang nai-onboard na ng DTI sa mga digital platform, kabilang ang 28 na nasa creative industry na lumahok sa katatapos na OTOPamasko Holiday Fair sa SM City Baliwag.
Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon, patuloy na isinusulong ng ahensya ang digitalization ng lahat ng mga MSMEs na nasa creative industry bilang pagtalima sa Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industry Development Act.
Nakalinyang ipasok ng DTI sa Creative Digital Content Creation Program nito ang mga nakapaloob sa industriya gaya ng nasa sektor ng design, audio-visual media, creative services, digital interactive media, publishing and printed media, performing arts, visual arts, traditional cultural expressions, cultural sites at iba pang sumisibol na creative segments.
Kaya naman sa OTOPamasko Holiday Fair, nilagyan ng QR Code ang bawat pwesto ng mga MSMEs mula sa naturang industriya.
Ito’y upang mas maipakilala sa mga mamimili na maari ang digital payment sa kanilang pagbili.