NAGBABALA si Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva na kailangang pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon ang digital economy ng bansa, lalo na sa pagbubukas muli ng ekonomiya bunsod ng bumababang kaso ng COVID-19.
“Gusto ng lahat ng sektor ng ekonomiya na makabawi mula sa pandemya. Habang pinoprotektahan ng susunod na administrasyon ang mga pangunahing sektor gaya ng agrikultura, dapat din nitong humabol sa mga fast-evolving sector na gaya ng e-commerce at mga digital jobs,” sabi ni Villanueva.
Ito ang naging pahayag ng senador nang makatanggap ng positive business outlook ang Pilipinas mula sa Job Outlook Survey na kinomisyon ng Department of Trade and Industry. Iniulat ng benchmark survey na may high employment growth forecast na 86.7 percent ang Pilipinas para sa mga trabahong mula sa e-commerce.
Iniulat din ng Job Outlook Survey na karamihan sa mga kumpanya sa bansa ay may mga bukas na posisyon para sa trabahong nangangailangan ng digital skills, gaya ng Digital Marketing Specialist, Social Media Specialist, Content Strategist, at Data Analyst.
“Digital skills can be developed through formal education, informal instruction, or training, which makes the digital workforce very dynamic in terms of learning and employment,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ng senador na haharapin ng susunod na administrasyon ang “fourth, or even fifth, industrial revolution” dahil sa paglakas ng mga digital career sa panahon ng pandemya.
“Naghahabol na po tayo kaysa nangunguna sa digital revolution. Dapat makinabang ang mga Pilipinong manggagawa sa mga oportunidad mula sa digital economy, kaya dapat suportahan sila ng gobyerno sa pamamagitan ng skills training, digital upskilling, at gawin silang competitive,” paliwanag ni Villanueva.
Ayon din sa senador, namamayagpag ang digital careers sa bansa dahil pinapahintulutan nito ang mga alternative working arrangements gaya ng work from home, na nakikita ring solusyon sa problema ng traffic, pagtaas ng presyo ng langis, pati na rin sa pagkakaroon ng work-life balance.
Nagbabala rin ang senador na maaring lumala pa ang job-skills mismatch sa bansa kung hindi matugunan ng gobyerno ang tinatayang 86.7 porsyentong pagtaas ng e-commerce jobs.
Sinabi ng chair ng Senate committee on labor, employment, and human resources na umaasa siya maisasabatas matapos ang eleksyon nitong Mayo 9 ang Senate Bill No. 1834, o ang Philippine Digital Workforce Competitiveness Act. Si Villanueva ang sponsor at may akda ng panukalang batas na kasalukuyang nasa second reading sa plenaryo ng Senado.
Layon ng S.B. 1834 na mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng digital skills ayon sa global standards, at maghikayat ng digital innovations at entrepreneurship.
Pinapagtibay din ng panukalang batas ang lahat ng lokal na pamahalaan para gumawa ng kanilang mga polisiya na sumusuporta at nagsusulong sa digital technology at digital careers sa kani-kanilang komunidad.
Nagtatatag din ang Senate bill ng mga public-private partnerships kasama ng mga eksperto at mga asosasyon ng mga industriyang gaya ng information technology-business process outsourcing (IT-BPO) para sa promulasyon at implementasyon ng mga programa para sa training, skills development, at sertipikasyon.
Kailangan ding paunlarin ng bansa ang IT infrastructure at access sa mabilis na internet connection nito para masuportahan ang paglago ng e-commerce at digital careers, ayon kay Villanueva.
Ayon sa 2021 Digital Skills Gap Index, pang-51 ang Pilipinas sa 134 na bansa pagdating sa digital skills, at pang-80 sa digital competitiveness.