CALUMPIT, Bulacan – Hindi magagamit ang mga bagong bili na Subscriber Identity Module o SIM Cards na hindi nairerehistro matapos ang Abril 26, 2023.
Iyan ang binigyang diin ni Department of Information and Communication Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Lamentillo sa simula ng Assisted SIM Registration sa Calumpit, Bulacan. Ipinaliwanag niya na ang mga existing SIM Cards na hindi mairerehistro pagsapit ng Abril 26, 2023 ay kusang magiging deactivated.
Habang matapos ang araw na ito o mula Abril 27, 2023, dapat mairehistro muna ang lahat ng bagong bili na mga SIM Cards bago maging reactivated.
Obligado aniya ang bawat indibidwal na mamamayan ng Pilipinas at maging ang mga dayuhan na pumapasok sa bansa na irehistro ang bawat SIM Cards na kanilang pag-aari, alinsunod sa Subscriber Identity Module o SIM Registration Act o ang Republic Act 11934.
Ito ang kauna-unahang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. upang mapaigting ang paglaban sa cybercrime, online scams at iba’t ibang uri ng panloloko at krimen na nagagamit ang ganitong uri ng ICT at telecommunication platforms.
Sinabi pa ni Lamentillo na ito ay bahagi ng prayoridad ng administrasyong Marcos upang mapatibay ang Digital Economy ng bansa.
Sa Bulacan ayon kay Imelda Walcien, direktor ng regulation branch ng National Telecommunications Commission o NTC Central Office, 80% ng 3.7 milyong populasyon ng lalawigan ang tinatayang dapat na mairehistro ang kani-kanilang mga SIM Cards.
Katumbas ito ng nasa 2.9 milyong Bulakenyo na may inisyal na tig-iisang mga SIM Cards.
Kaugnay nito, patuloy na mag-aalok ng pag-agapay ang mga telecommunication providers sa mga subscribers na may analog na uri ng cellular phones sa direktiba ng NTC.
Ayon kay Wilson Lejarde, pinuno ng Enforcement and Operations Division ng NTC, nagtalaga ng mga booths ang mga telecommunication providers ng mga Smartphones para agapayan ang mga may analog cellular phones sa pagpaparehistro ng kani-kanilang mga SIM Cards.
Kabilang dito ang mga subscribers ng Globe, Smart at ang bagong ikatlong player na DITO. Sinabi naman ni Lejarde na ang mga subscriber ng GOMO ay kusa nang nairehistro mula nang mabili ang nasabing SIM card.
Samantala, tiniyak ni Calumpit Mayor Glorime Faustino na kakatuwangin ang may 29 na mga pamahalaang barangay sa bayang ito sa pagpapatupad ng Republic Act 11934.
Ito’y sa pamamagitan ng pagdadaos ng SIM Registration Assistance sa nasabing mga barangay upang mas mailapit sa karaniwang mga mamamayan na nasa latian at kabukiran.
Libre ang pagpaparehistro ng SIM Cards, basta’t kailangan lamang na makapagpakita ng government-issued identification cards o I.D. sa empleyado ng mga telecommunication provider na tutulong na sila’y mairehistro.